SA gitna ng mga eskandalong kinasangkutan ng mga tauhan, nagbitiw na sa tungkulin si Office of Transportation Security (OTS) Administrator Ma. O Ranada Aplasca.
Ito ang kinumpirma, Martes ng gabi, ni Transportation Secretary Jaime Bautista.
Iniwan ni Aplasca ang posisyon matapos ang imbestigasyon ng isang OTS staff na nahuling nilulunok ang umano’y $300 na ninakaw sa Chinese na pasahero sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Sa liham kay Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., sinabi nito na inihahain niya ang courtesy resignation isang araw matapos sabihin ni House Speaker Martin Romualdez na haharangin nito ang panukalang budget sa taong 2024 kung mananatili ito sa posisyon.
Damay umano rito ang budget ng OTS at DOTr. “I am not in any way ready to sacrifice my organization but I consider this as a noble undertaking for a greater interest,” ayon sa liham ni Aplasca.
Nitong Lunes, hinamon ni Romualdez si Aplasca na mag-resign dahil sa kakulangan ng sistema para matigil ang mga ilegalidad ng kanyang mga tauhan.
Noong Setyembre 8, isang OTS personnel ang nakuhanan ng CCTV na nilulunok ang $300 na kinupit sa isang turista sa NAIA.
Itinanggi naman ito ng kawani at sinabing tsokolate ang nilunok nito at hindi pera.
“I feel it is a sacred duty of every head of any government agency expressed and solemnized when we took an oath. It is just unfortunate that as we weed out the scalawags in our ranks, it will always draw media attention and tarnish the reputation of our country,” sabi pa ni Aplasca.
“But I can assure His Excellency that the good men and women of OTS will not falter in its commitment to cleanse its ranks to finally deliver your promise of a convenient, affordable, safe and secured transportation system,” dagdag pa nito.