
SUPORTADO ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos Jr. ang panukalang naglalayong muling ayusin ang Philippine National Police (PNP).
“Ang panukalang ito ay hahantong sa unang komprehensibong legislative reform ng PNP mula noong 1998,” pahayag ni Abalos kaugnay ng Senate Bill 2449 (An Act Providing for the Organizational Reforms in the Philippine National Police) na inihain ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa.
Partikular na target ng panukala ni dela Rosa amyendahan ang Republic Act 6975 na mas kilala sa tawag na DILG Act of 1990, at RA 8551 (PNP Reorganization Act of 1998) para magkaroon ng bagong layunin at kahusayan sa PNP.
Ang panukalang batas ng Senado ay counterpart measure ng House Bill 8327, na pinagtibay sa ikatlo at huling pagbasa ng Kamara de Representantes sa pamumuno ni House Speaker Martin Romualdez.
“Panahon na para ipakilala natin ang mga repormang pang-organisasyon sa PNP para bigyang kapangyarihan ang ating kapulisan para epektibong matugunan ang mga kasalukuyang hamon ng pagpapatupad ng batas. Ang napakaraming mga repormang ibinigay sa panukalang batas na ito ay nakaangkla sa mga pangangailangan ng PNP at ng mga komunidad, at ito ay magpapatibay din sa mga kakayahan ng ating kapulisan upang matiyak ang kaligtasan at seguridad ng mamamayang Pilipino,” pahayag ng Kalihim.
Ang isang kapansin-pansing tampok ng panukalang batas ay ang institusyonalisasyon ng iba’t ibang tanggapan ng PNP na nilikha ng ad hoc sa nakalipas na 25 taon upang tumugon sa mga umuusbong na alalahanin sa kaligtasan ng publiko, tulad ng Anti-Cybercrime Group at ang Area Police Commands.
Sa talumpati kasunod ng paghahain ng panukala, kinilala ni Dela Rosa, na minsang nagsilbi bilang hepe ng pambansang pulisya, ang pamunuan ng DILG sa pangakong suporta sa tinawag niyang “long-overdue legislative measure.”