HINDI pa man humuhupa ang usapin hinggil sa tinaguriang state-sponsored agri-smuggling, overpricing naman ang sumambulat na kontrobersiya sa Department of Agriculture (DA) na pinamunuan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Alegasyon ng Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG), apat na doble ang presyo ng mga abono sa sakahan na target bilhin ng DA.
Partikular na tinukoy ni Rosendo So na tumatayong pangulo ng SINAG, hindi makatwiran ang P2,000 per bag na presyo ng mga biofertilizer na nais bilhin ng naturang departamento, batay sa Memorandum Order No. 32 na inilabas ng DA sa mas mataas na antas ng ani ng palay.
Aniya, walang basehan kagatin ng pamahalaan ang P2,000 per bag na presyong nakasaad sa MO 32, kasabay ng giit na P500 lamang di umano ang alok na presyo ng UP Los Baños (UPLB) para sa urea.
Para kay So, ang overpricing sa ilalim ng administrasyong Marcos Jr. ay nagbabadya ng panibagong fertilizer scam na pumutok sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo.
“If the DA really wants to use biofertilizer, the UPLB has it at P500 per bag,” ayon kay So.
Panawagan ng SINAG sa DA, voucher na lang ang ibigay sa mga magsasaka para masigurong walang overpricing sa panig ng kagawaran.
“Vouchers should be given instead so that the farmers will have a choice if they want urea or biofertilizer. The farmers should decide on what to use to increase their production,” aniya pa.
Kamakailan lang, isang resolusyon ang inihain ni Sen. Risa Hontiveros para imbestigahan ang di umano’y nagbabadyang korapsyon sa aniya’y overpricing sa mga bibilhing abono ng gobyerno.
“There is a need to investigate this matter to prevent another Fertilizer Fund Scam that happened almost 20 years ago in 2004, where around P728 million in fertilizer funds of the Department of Agriculture earmarked for the purchase and distribution of fertilizers to farmer beneficiaries were allegedly diverted and used primarily for the re-election efforts of a former president,” ani Hontiveros.