NAPAPANAHON nang tumbasan ng wasto at patas na kompensasyon ang mga public school teachers para sa walang pagod at taos pusong paglilingkod para tiyakin ang magandang kinabukasan ng mga kabataan.
Ito ang binigyan-diin ni House Speaker Martin Romualdez, kasabay ng pagsang-ayon sa paglabas ng alituntunin ng Department of Education (DepEd) para sa overtime pay ng mga guro.
“Hindi matatawaran ang papel na ginagampanan ng ating mga guro bilang pangalawang magulang ng ating mga anak at taga-hubog ng kanilang kamalayan. Kadalasan ay higit pa ang oras na ginugugol nila sa trabaho, magampanan lang ang tungkulin na ilabas ang talino at talento ng ating mga mag-aaral,” pahayag ng lider ng Kamara.
Giit ni Romualdez, ang bagong hakbang ay patunay sa hangad ng administrasyong Marcos na itaas ang antas ng kabuhayan at dignidad ng mga public school teachers sa ilalim ng Bagong Pilipinas.
“The Marcos administration is showing that it listens to the needs of our teachers and acts decisively to address them. Ang bagong patakaran na ito ay patunay na pinapahalagahan ng gobyerno ang ating mga guro—ang mga huwarang lingkod-bayan na patuloy na naglilingkod nang buong puso,” dagdag ng kinatawan ng Leyte sa Kamara.
“Ito ay hindi lamang karagdagang kita, kundi isang konkretong patunay ng pagkilala at pagbibigay katarungan para sa kanilang dedikasyon at sakripisyo sa pagtupad sa kanilang tungkulin,” aniya pa.
Sa ilalim ng DepEd Order No. 26, series of 2025, ang mga guro ay makakatanggap ng 125 percent ng kanilang actual hourly rate para sa authorized overtime work mula Lunes hanggang Biyernes at 150 percent naman sa tuwing tutugon sa tawag ng trabaho sa araw ng Sabado, holidays at non-working days.
Sakop ng naturang direktiba sa lahat ng DepEd-employed teachers na nagsasagawa ng full-time classroom teaching, kasama na ang Alternative Learning System, sila man ay permanent, substitute, o provisional appointments.
Samantala, tiwala si Romualdez na ang DepEd, sa ilalim ng pamumuno ni Secretary Sonny Angara, ay patuloy na magpapatupad ng mga kaukulang reporma, kasama na ang pagbawas sa administrative load ng mga guro usa pagnanais na ring mapabuti ang kanilang kalagayan. (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)
