“KUNG hindi po sila magkakilala, there was a time nag-birthday po si Senator Jinggoy (Estrada) sa Solaire, umattend po siya.” Ito ang giit ni dating Bulacan Assistant District Engr. Brice Ericson Hernandez sa pagdinig ng Kamara hinggil sa maanomalyang flood control projects ng pamahalaan.
Sa pagdinig ng Infra Comm ng Kamara, partikular na kinontra ni Hernandez ang testimonya ni former Bulacan First District Engineering Office chief Henry Alcantara na todo-tanggi sa personal na ugnayan kay Senator Jinggoy Estrada.
Itinanggi din ni Alcantara na pinadadalan niya ng perang katumbas ng 30 percent ng halos P1 bilyon si Estrada — at maging si Senador Joel Villanueva.
“Pero ano ang koneksyon niyo ni Sen. Jinggoy Estrada?,” tanong ni House Infra Comm overall chairman at Bicol Saro Rep. Terry Ridon.
“Wala po your honor, hindi ko po siya kaibigan o hindi po ako nakakalapit sa kanya, hindi po ako nakakapunta sa kanya,” tugon ni Alcantara.
“Wala po kayong pagkakaibigan sa mga Estrada?,” usisa pa ni Ridon.
“Wala po your honor, maliban po nung ako’y naging empleyado lang po sa city hall (Manila) pero trabaho lang po,” paliwanag ni Alcantara na nagsilbing division chief sa City Engineering Office na noo’y pinamumunuan ng sinibak ng DPWH Undersecretary na si Roberto Bernardo.
Yan yung undersecretary na binabanggit ng lahat ng mga tao dito, hindi ho ba? So, hindi ba kayo magkakasama sa isang sindikato? Magkasama kayo sa Maynila, magkasama kayo sa DPWH tapos itinatanggi mo ngayon na wala kayong koneksyon kay Senator Jinggoy Estrada, paano nangyari ‘yon, sa tingin nyo maniniwala ang taumbayan?,” bweltang tanong ng Bicol Saro partylist solon.
Dito na sumabat si Hernandez at ibinisto ang pagdalo ni Alcantara sa birthday celebration ng senador.
Paliwanag pa ng former DPWH official, isinama lamang umano siya ni ng hepe ng kanilang tanggapan.
Dumating naman sa punto na iprinisinta ni Hernandez ang mga larawan na nagpapakitang magkasama sina Estrada, Alcantara at Bernardo sa magkakaibang okasyon.
Sa panig ni Manila Rep. Benny Abante, tinanong siya ang former assistant district engineer kung naniniwala itong mayroong sindikato sa loob ng DPWH na positibong naman sinagot ni Hernandez.
“Ako po, kagaya ng sinabi ko hindi po ako kumikilos nang hindi alam ng boss ko. Kumbaga lahat ng ito ay utos ng boss ko,” sabi pa ng dating DPWH official kung saan pinangalanan niya sina Bernardo at Alcantara na magkakuntsaba sa katiwalian.
Sumunod nito, inilabas din ni Hernandez ang mga litrato bilang patunay sa pagkakaroon ng ugnayan ni Alcantara kina Estrada at Villanueva.
Kabilang dito ang galing kay Engr. Jaypee Mendoza, naging opisyal din ng Bulacan First District Engineering Office, sa disappearing messages, na ang isa ay sa pagitan nina Villanueva at Alcantara.
Unang ipinakita ay ang litrato ng grupo ng mga division chief at iba pang staff sa naturang engineering office kasama si Bernardo, na ayon kay Hernandez ay kuha sa bahay ng isa umano nilang kaibigan.
Ang ikinagulat naman ng mga dumalo sa hearing ay ang litrato ng mga bulto-bultong perang nakapatong sa ibabaw ng mesa kung saan kasama sa kuha na malapit sa mga pera ang “half-body” umano ni Alcantara.
“Kung maalaala ko po, ako po ang nag-picture nito, kasi d’yan lang po ako nakakita ng ganyang karaming pera. First time ko po ‘yan kaya piniktyuran ko, natuwa po ako. Inaayos po ni Boss (Alcantara) ‘yan (pera),” paliwanag ni Hernandez sa naturang larawan.
“Ang context po nyan is kung makikita nyo po magkakahiwalay po yung pera, May mga designated person po na pagbibigyan n’yan your honor,” dugtong niya.
Nang tanungin kung sino ang pagbibigyan ng mga pera, sagot ni Hernandez, “ito na nga po yung sinasabi ni Boss na ano, sa mga (pulitiko),” saad pa nito, na ang larawan ay kuha sa loob ng kanilang district office noong 2022 o 2023 at ibinulalas pa na normal lang doon na pumapasok ang mga malaking halaga ng pera.
Isa pang litrato ay ang billiard table at isa pang lamesa na puno ng mga naka-bundle na perang ibibigay umano sa tao o sa proponent ng projects na kausap ni Alcantara.
“Private residence po siya na nilagyan ng bilyaran na we can hang-out after office hours, within the vicinity lang din po of our office,” salaysay pa ni Hernandez.
Sa litrato naman kung saan kinunan ang cellphone ni Alcantara na makikita sa screen ang disappearing message sa pagitan nito at di umano’y ni Villanueva.
Nang basahin ni Mendoza ang viber text conversation noong October 2023, lumalabas na nagre-request umano si Villanueva ng mga project at nasabi rin ng huli na bagamat maliit lang ang kanyang pondo, subalit siya naman ang majority floor leader at miyembro ng Commission on Appointments o CA.
“Sen. Joel – Again, naguguluhan ako bigla kay Sec, parang nakalimutan ba niya, 1/ Funds sa flood control and all the efforts we put it. 2/ For his CA his budget this coming year etc.. he committed sa akin pinakamababang commitment ng dpwh sec NGAYON parang lumalabas same na ang 1 and 2???” ang basa ni Mendoza sa message kay Alcantara.
Sagot naman ni Alcantara, “Pag usapan po natin bukas boss so that I can relay so sec po.”
Sa isa pang litrato, ang palitan pa rin ng mensahe ng dalawa na ang sabi ni Alcantara ay “Yes boss see you po bukas po 6pm sa JIL” kung saan ang sagot naman ni Villanueva ay “majo ldr tayo hindi cong or just 1 member” at ang sabi naman ng una ay “Yes boss I will.”
“May atraso dpwh sakin so if he treats me na isa lang isyu eh he is not respecting me,” sagot pa ni Villanueva kay Alcantara.
Sinabi ni Mendoza na si Alcantara mismo ang nagsabing piktyuran niya ang viber conversation dahil disappearing messages yon at hindi magagawang i-screenshot ng cellphone ng huli.
Mayroon naman screenshot ng kanyang cellphone na ipinakita si Hernandez na viber conversation nila ni Beng Ramos, na staff umano ni Estrada patungkol naman sa project na binigay sa WJ Construction at ang kanilang pinag-uusapan ay ang pag-deliver diumano ng SOP.
Samantala, mariing pinabulaanan at nilinaw naman lahat ni Alcantara ang mga inilabas na litrato kung saan multi-purpose buildings umano ang nire-request ni Villanueva.
Hinggil naman sa mga litrato, pera daw iyon ng contractor at nagkatuwaan lang na kunan ng litrato. (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)
