PARA kay Senador Panfilo Lacson, napapanahon nang rebisahin ang proseso ng pamahalaan sa paghahanda, pagpaplano at pagpapatupad ng flood control program ng bansa para tuluyang masolusyonan ang taunang problema sa baha.
Sa isang panayam sa radyo, partikular na tinukoy ni Lacson ang umano’y nasa isang trilyong pondo na nawala dahil sa katakawan ng mga nasa pwesto sa pamahalaan.
Ayon kay Lacson, hindi na kapani-paniwala ang karaniwang palusot ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa tuwing nasisilip ang kapalpakan ng mga flood control projects ng pamahalaan.
“Kasama ang climate change sa sinasabing dahilan ng baha pero yan convenient na tinuturo lagi… di natin tinitingnan ano naman ang kamalian natin in terms of preparation, in terms of planning and in terms of implementation. Baka kasi ang P2T na yan baka ang P1T napunta sa bulsa ng kung sinu-sino,” wika ng senador.
“Parang absurd. Teka di ba dapat bumababa ang floodwaters di nagra-rise dahil naglalaan tayo ng mas malaking pondo? E bakit directly proportional siya? Something is very wrong. Kung hindi sa management, baka sa planning, sa policy,” dugtong ng mambabatas.
Ayon pa kay Lacson, bagama’t halos P2 trilyon ang inilaan sa DPWH pa lang para sa mga flood control project mula 2011, hindi pa rin natutugunan ang problema ng pagbaha.
Kumbinsido naman si Lacson na bahagi ng talumpati ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang ikaapat na State of the Nation Address ang plano ng administrasyon sa taunang problema sa pagbaha. (ESTONG REYES)
