
SA lawak ng suportang nakamit ng Akbayan sa idinaos na halalan, hindi malayong puntiryahin ni Senador Risa Hontiveros ang pagtakbo bilang pangulo ng bansa pagsapit ng 2028 presidential elections.
Sa isang kalatas, nagpahiwatig ng pagiging bukas si Hontiveros sa posibilidad na maging standard-bearer ng opposition bloc sa pagtatapos ng termino ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
“I’m not saying no. I’m open to all possibilities,” wika ni Hontiveros sa isang talakayan sa Senado.
“At yun yung hinihingi ko din sa lahat na mga kasama sa oposisyon or independent bloc na maging bukas kami sa lahat ng possibilities at sa isa’t isa, alang-alang sa oposisyon at alang-alang sa ating mga kababayan,” dagdag pa ng nag-iisang oposisyon sa mataas na kapulungan ng 19th Congress.
Ayon kay Hontiveros, tiyak umanong may titindig na isang progressive o reformist na kandidato laban sa mapipisil na pambato nina former President Rodrigo Duterte o maging ang manok ng administrasyong Marcos.
“There will certainly be a progressive or reformist alternative. So may at least third slate, may at least third candidate. Hindi ko pa talaga alam kung sino-sino iyon,” saad ni Hontiveros.
“Kasi magiging bahagi yun ng selection process na I’m hoping madisenyo namin after the first nine months ng pag-unify ng mga pwersa namin.” (ESTONG REYES)