
Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
BUKOD sa P125-million confidential and intelligence fund na ginastos lamang ng tanggapan ni Vice President Sara Duterte sa loob ng 11 araw noong 2022, simbilis din ng kidlat naubos ang P237-milyong CIF na na inlaan ng Kongreso noong nakaraang taon sa Office of the Vice President (OVP).
Batay sa pagsusuri ng Commission on Audit (COA), nasimot di umano ang P237-million CIF sa loob lang ng pitong buwan – bagay na lubos na ikinabahala ni House Assistant Majority Leader at Zambales 1st District Rep. Jay Khonghun.
Bago pa man lumabas ang ulat ng state auditor, una nang inisyuhan ng COA ang OVP ng Notice of Disallowance sa paggastos ng P73-milyong bahagi ng kabuuang P125-million CIF ng tanggapan ni VP Sara noong taong 2022.
“The P73 million disallowed by COA is just the beginning of a broader pattern of seeming misuse or mismanagement of government funds, as an additional P164 million has been flagged in audit observation memorandums (AOMs),” wika ni Khonghun.
“We are seeing a disturbing pattern of misuse or mismanagement of government funds. Vice President Duterte needs to explain this to the public—she owes the Filipino people transparency and accountability,” dugtong ng mambabatas.
Para kay Khonghun, higit na angkop magpaliwanag si Duterte kesa umiwas sa mga katanungan ng mga kongresistang hangad lamang di umano’y marinig ang panig ng pangalawang pangulo kung paano ginamit ang pondo.
Matatandaan na inilantad ni Nueva Ecija Rep. Mikaela Angela Suansing sa nakaraang pagdinig ng House Appropriations Committee hinggil panukalang 2025 badyet ng OVP ang buod ng naging paggastos ng confidential funds ni Duterte.
Mula ng maupo noong 2022, ang OVP ay napaglaanan ng P625 milyong halaga ng confidential fund hanggang noong Disyembre 2023. Sa naturang halaga, naubos ng OVP ang P500 milyon — P125 milyon noong 2022 at P325 milyon noong 2023.
Sa P125 milyon na ginastos sa loob ng 11 araw noong 2022, P73 milyon ang kinuwestyon ng COA – abisong hindi pinansin ng OVP, at punong dahilan sa likod ng direktibang nag-aatas sa naturang tanggapan na ibalik ang nasabing halaga sa gobyerno.
Sa halagang P73.3 milyon, P34.857 milyon ang ginastos sa “various goods” at P24.93 milyon para sa gamot na parehong nasa ilalim ng “payment of reward.” May ginastos din P3.5 milyon para sa “chairs, tables, desktop computers, and printers” na sinita ng COA.
Para sa P325 milyong confidential fund na ginastos sa unang tatlong quarter ng 2023, naglabas naman ang COA ng Audit Observation Memorandum (AOM) sa P164 milyon dahil sa hindi malinaw kung paano ginastos.
Sa inilabas na summary ni Suansing, pinuna ng COA auditors ang paggastos sa P67 milyon o 53.5% sa unang quarter ng 2023, P62 milyon o 49.6% sa ikalawang quarter at P35 milyon o 28% sa ikatlong quarter.
Iginiit ni Khonghun na pera ng taumbayan ang ginastos kaya dapat lamang aniyang magpaliwanag si Duterte.
“This is public money—hard-earned taxes of Filipinos. We need to know how it was spent, especially with COA raising red flags. The Vice President must address these concerns head-on,” ani ni Khonghun.
Ayon din sa ulat ng COA na inilahad ni Suansing sa pagdinig, naubos ang P500 milyong confidential fund sa loob ng pitong buwan o paggastos na P2.4 milyon kada araw.
Sa kategoryang “purchase of information,” ang OVP ay gumastos ng P14 milyon mula Disyembre 21-31, 2022; P10 milyon mula Pebrero 6 hanggang Marso 29, 2023; P12 milyon mula Abril 25 hanggang Hunyo 30, 2023; at P20 milyon mula Hulyo 14 hanggang Setyembre 30, 2023.
Gumastos naman ng P72 milyon sa “payment of reward” sa nabanggit na panahon ang OVP kung kailan din nagkaroon ng “surveillance and monitoring” activities ang ahensya.
Ginamit din ng OVP ang P152 milyong confidential fund para sa “purchase of supplies,” P53 milyon para sa rental at maintenance ng mga safe house, at P122 milyon para sa “provision of medical and food aid.”
“There is a clear need for transparency. The COA’s findings suggest serious issues in how the OVP is handling its CIF. The Vice President cannot ignore this. She needs to explain,” pahabol ng Zambales solon.