MATAPOS tukuying bahagi ng P612.5 million na confidential funds ni Vice President Sara Duterte ay ginasta sa paglalatag ng seguridad ng huli kapag ito ay mayroong public activities, masasabi rin umanong nagamit ang nasabing pondo para sa pamumulitika nito. Ito ang tahasang sinabi ni House prosecution spokesperson at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong na konektado pagpapakilala at mistulang pangangampanya ni Duterte ang pag-iikot nito, na ginagastusan ng confidential funds ang surveillance at intelligence gatherings sa mga pupuntahang lugar. Ginawa ni Adiong ang pahayag matapos ang pagbibigay ng testimonya ni Commission of Audit (COA) state auditor Xylene Del Campo sa Senate impeachment court kung saan inilahad nito ang paglista ng Office of the Vice President (OVP) sa Christmas activities, isang Knights of Rizal event, thanksgiving at coordination meetings, tree planting, gift-giving at medical missions bilang mga pinaggastusan ng confidential funds ng bise presidente. “Sa aking palagay, parang connected dito sa pagkikilala at pangangampanya ng VP. Paano ka magiging confidential in nature ng Christmas party? Paano ka magkakaroon ng isang confidential by nature na activity na pakikipag-coordinate ka sa Knights of Rizal?” Sabi pa ng Lanao del Sur solon. Ipinunto rin ni Adiong ang salaysay ni Del Campo na ilang sa mga aktibidad na pinaggamitan umano ng naturang pondo ay nangyari sa pagitan ng Disyembre 13 hanggang Disyembre 18, 2022, bagama’t ang sakop ng cash advance ng OVP ay para sa December 12 hanggang 31 ng nasabi ring taon lamang. “Kasi ang only way you can actually conduct an activity, ang gagastusin mo is ang confidential funds na hindi nauuna muna ang aktibidad bago pa i-release ang pera,” giit ng tagapagsalita ng House prosecution panel. Ayon kay Adiong ang mga bagong rebelasyon na ito sa paggastas ng OVP sa daang-daang milyong confidential funds ay maihahalintulad sa kaduda-dudang acknowledgement receipts na ginamit ng huli sa isinumite nitong liquidation report sa COA. “Kayo ang pinanggalingan ng AR, kayo ang may kilala sa mga informants ninyo; the burden of proof has now shifted to the defense,” sabi ni Adiong. Facebook Twitter/X LinkedIn Post navigation CIF sa ‘paghawan’ ng dadaanan ni Duterte OVP, Deped sumablay sa paggamit ng confi funds