PARA kay Abra lone district Rep. JB Bernos, higit na angkop ang maagap na paghahanda sa epekto ng El Niño sa bansa.
“Ngayon pa lang, kailangang tutukan na natin ang strategy natin sa pagtugon sa El Niño para maiwasan ang lalong pagkakabaon ng bansa,” wika ng kongresista mula sa Abra.
“El Niño will negatively impact food security and public health, and it is up to us in government to exhaust all efforts to minimize its effects on our people,” dugtong ni Bernos.
Ayon kay Bernos, kailangan paglaanan ng sapat na suportang pinansyal ang sektor ng agrikultura para mapalakas para tumaas ang produksyon ng mga pangunahing pagkain.
“The key to surviving El Niño is also the key to improving our nation’s agriculture. Hindi naman sikreto ito— kailangan natin pondohan ang farm inputs at post-harvest facilities to make agriculture more viable for our producers,” hirit ng kinatawan ng Abra sa Kamara.
Iminungkahi rin ni Bernos ang pagpapabuti sa crop insurance system ng bansa upang matiyak na agad na matatanggap ng mga magsasaka ang benepisyong kapalit ng pinsalang matatamo nila dala ng climate-related calamities.
Nauna rito, inihain ng Abra solon ang kanyang House Bill 6519 o ang Weather Ready Farmers bill kung saan itatatag ang free weather index-based crop insurance (FIBCI) at automatic payout system para matulungan ang mga magsasaka na makaagapay sa epekto ng climate change.
Tiniyak naman ni Bernos na patuloy niyang isusulong ang paglalaan ng mas malaking badyet para sa local agriculture sector sa susunod na taon kasama na ang pagtitiyak na maiibsan ang epekto ng El Niño.
Base sa ulat ng state weather bureau Pagasa, may 79% probability ng El Niño sa pagitan ng June-July-August 2026 season kung saan may banta rin na magtagal ang matinding tagtuyot na ito hanggang unang bahagi ng taong 2027.
