Ni ESTONG REYES
PARA sa punong-abala sa likod ng Senate Committee on Agriculture and Food, hindi angkop na ibalik sa National Food Authority (NFA) ang kapangyarihan magbenta ng bigas sa mga pamilihang bayan sa bisa ng panukalang amyenda sa Rice Tariffication Law (RTL) na isinusulong ng Kamara.
Sa halip na amyendahan ang RTL, iminungkahi ni Senador Cynthia Villar na bigyan na lang ng emergency power ang Pangulo sa tuwing may nakaambang krisis sa bigas.
Katwiran ni Villar – walang pakialam ang NFA sa kapakanan ng mga magsasaka.
“Ako, ayaw ko na ibigay sa NFA kung gusto ng presidente, siya. Power ng Office of the President hindi ko talaga ibibigay sa NFA. Kung gusto nila ang special power na iyan, ibigay nila sa Office of the President,” sambit ni Villar sa isang panayam sa radyo.
“Malaki pangamba ko kasi in all the years. Eleven years na ako sa Committee on Agriculture and Food… hindi ko nakita sincerity ng NFA sa pagtulong sa farmers,” paliwanag ng senador.
Para kay Villar, mas angkop pagtibayin ang Anti-Agricultural Economic Sabotage Law para wakasan ang pagsasamantala ng mga negosyante sa mga pobreng magsasaka.
Sa ilalim ng umiiral na RTL, mandato ng NFA bilhin ang aning palay ng mga Pilipino magsasaka gamit ang P9-bilyong pondo kada taon.
Pangamba ng mambabatas, baka tuluyan nang mawala ang ayuda ng pamahalaan sa mga magsasaka kung susugan ang RTL.
