WALA ng dahilan para panatilihin sa pwesto si Secretary Bienvenido Laguesma, ayon sa Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) kasabay ng panawagan sa Palasyo na palitan ang anila’y inutil na Kalihim ng Department of Labor and Employment (DOLE).
Paglalarawan ng TUCP kay Laguesma – isang taong sagana lang sa ilusyon bunsod ng kabiguan tugunan ang abang sitwasyon ng mga manggagawa.
“We need a new labor secretary because we do not have one. The Secretary, unfortunately, is not a man of action but a man of illusion,” pambungad na patutsada ng TUCP kay Laguesma na anila’y nagsusulong sa interes ng mga employer sa halip na protektahan ang mga manggagawa.
Katunayan pa ayon sa TUCP, ang inilunsad na “Kadiwa ng Pangulo para sa Manggagawa” na sadyang itinaguyod bilang tugon ng administrasyon sa inflation, mabilis na tinapos sa paglisan ni Marcos sa dinaluhang seremonya para sa naturang programa.
Wala rin anilang bisa ang ipinagmamalaking “one-time, big-time job fairs” ni Laguesma dahil pawang contractual basis lang ang alok na trabaho.
Pati anila ang legislated wage hike na isinusulong sa Kongreso, kinontra ni Laguesma.
“These illusions projected that the Secretary is addressing the survival crisis of soaring inflation, poverty-level wages, and significant joblessness.”
