Ni JAM NAVALES
PARA sa kongresistang kumakatawan sa sektor ng agrikultura, napapanahon na para sa Kamara amyendahan ang Republic Act 11023 (Rice Tariffication Law) para maibalik ang kapangyarihan sa National Food Authority (NFA) na muling makapagbenta ng di hamak na mas murang bigas kumpara sa commercial rice sa mga pamilihan.
Bukod sa murang bigas, naniniwala si AGRI partylist Rep. Wilbert Lee na ang naturang hakbang ay magbibigay-daan para palakasin ang programa sa pagbili ng palay na ani ng mga lokal na magsasaka.
Pagtitiyak ni Lee, suportado ng AGRI partylist group ang isinusulong na amyenda ng liderato ng Kamara sa paniwalang higit na tatangkilikin ng mga naghihikahos na pamilya Pinoy ang P37 kada kilo ng bigas na mas mura ng P15 hanggang P25 kada kilo ng commercial rice na binebenta sa halagang P52 hanggang P62 kada kilo batay sa price monitoring ng mga lokal na pamahalaan sa Metro Manila.
“Dapat may choice ang consumers, hindi yung napipilitan silang bumili ng mahal na bigas na napatungan na ng mga traders ang presyo. Kung maibabalik ang mandatong ito sa NFA, mapoprotektahan ang kabuhayan ng ating mga magsasaka at ma-e-engganyo silang pataasin ang produksyon. Mas makakamura sa NFA rice ang marami nating kababayan, kung saan ang matitipid na budget ay pwede nang magamit sa ibang pangangailangan, tulad sa panahon ng pagkakasakit,” pahayag ng AGRI partylist lawmaker.
“Sa pag-amyenda ng RTL, dapat ibalik na ang mandato ng NFA na pagbili ng palay sa lokal na mga magsasaka, hindi lang para siguruhin ang kita ng ating local food producers, kundi para mapababa rin ang presyo ng bigas,” dagdag pa niya.
Ayon kay Lee, na siyang naghain ng House Resolution 1636 na nagtutulak rebisahin ang Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEP), ikinalulugod ng sektor na kanyang kinakatawan sa Kamara ang pagsusulong ng House leadership na magpatupad ng pagbabago sa RTL, kasabay ng giit na taasan ang pondong nakalaan para sa pagbili at pamamahagi ng farm machinery and equipment.
“Marami pa rin tayong mga magsasaka ang nangangailangan ng mga farm machinery and equipment. Nakuha na natin ang commitment ng DA (Department of Agriculture) nung budget deliberation last year na pabilisin at simplehan ang requirements sa pamamahagi nito, kaya magandang ma-extend ang implementasyon ng RTL, siguraduhin ang mas maayos na pagpapatupad nito para mas marami pa ang matulungan nating mga magsasaka—ang food security soldiers ng bansa,” sabi pa Lee.
“Sa pag-amyenda ng RTL, kaakibat ng distribusyon ng mga kagamitan, dapat mabigyan na rin ng budget ang PhilMech para mapondohan pati na ang pagpapagawa ng warehouses at storage areas, dahil talagang mahihirapan at kakapusin ang mga magsasaka sa pagpapatayo ng mga warehouse,” dugtong ng Bicolano solon.
Giit ni Lee, “sa pagdiriwang ng Araw ng Paggawa, kinikilala natin ang napakahalagang ambag ng ating mga manggagawa, kabilang ang ating mga agricultural workers. Deserve nila ang mas mabilis na serbisyo, mas maraming benepisyo, at mas malaking kita. Kaya let us demand better.”
“Para sa ating mga magsasaka, dagdagan ang suporta sa paghahatid ng on time na ayuda, access sa mas murang farm inputs, post-harvest facilities, epektibong irigasyon tulad ng solar power irrigation at water impounding system, pati na ang pagbebenta ng produkto sa merkado nang hindi na kailangan pang dumaan sa mapagsamantalang mga middleman at traders. Kapag nagawa ito, siguradong mas mapapababa pa natin ang presyo ng bigas at iba pang agri products.”
Ani Lee, “sa masaganang pagsasaka, mas matutugunan nila ang kanilang mga pangangailangan at ang pagkakaloob ng sapat at abot-kayang pagkain hindi lang para sa pamilya, hindi lang para sa consumers, kundi pati na rin para sa buong bansa, Winner Tayo Lahat.”
