MAS mabilis sa inaasahan ang isinasagawang pagsusuri ng five-man advisory group sa 955 na heneral at koronel bilang bahagi ng paglilinis sa hanay ng Philippine National Police (PNP).
Katunayan pa ani Colonel Redrico Maranan na tumatayong tagapagsalita ng advisory council, pumalo na sa 466 senior officers ang tapos nang imbestigahan kaugnay ng kontrobersyang kumakaladkad sa PNP sa malawakang kalakalan ng droga sa bansa.
Ayon kay Maranan, kabilang sa 466 senior PNP officers ang nasa 131 na isinalang nitong nakalipas na Huwebes.
“The Group has so far evaluated a total of 466 senior officials. The body is set to evaluate and process the remaining senior officers in the coming weeks,” wika ni Maranan, kasabay ng pahayag na agad na isusumite sa Palasyo ang anumang resulta at rekomendasyon ng advisory council na binubuo nina PNP Chief Rolfo Azurin, Defense Secretary Gilberto Teodoro, retired Court of Appeals Associate Justice Melchor Sadang, Baguio City Mayor Gen. Benjamin Magalong (Ret.) at Undersecretary Isagani Nerez mula sa Office of Presidential Adviser on Military Affairs.
Pebrero 13 nang simulan ng advisory council ang imbestigasyon sa 955 senior police officers na naghain ng kanilang courtesy resignation alinsunod sa hiling in Interior and Local Government Secretary Benjamin Abalos.