HALOS magkatunog ang layunin ng General Agreement on Tariffs and Trade – World Trade Organization (GATT-WTO) sa Regional Comprehensive Economic Partnership RCEP) treaty na niratipikahan kamakailan ng Senado.
Kung suriin nang mabuti (disclaimer: hindi ako economist, sariling pananaw lang ito) magkatunog ang RCEP at GATT-WTO na tanging taripa at malayang palitan ng produkto at serbisyo ang layunin ng pakikipag-alyansa ng miyembro ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) sa 5 economic partners nito partikular ang Australia, New Zealand, Japan, South Korea at China.
Pero, dehado ang Pilipinas sa kalakaran na ito dahil hindi ganoon kaunlad ang manufacturing sector, agricultural sector at labor sector na ilan sa lubhang maapektuhan ng RCEP.
Tulad ng sinabi ni Senador Alan Peter Cayetano, kundi maglalagay ng safety nets ang pamahalaan upang protektahan ang maapektuhan sektor, walang kwenta ang RCEP dahil dudurugin lamang nito ang lokal na produkto ng mga imported products galing sa maunlad na bansa na karamihan, kasapi ng RCEP.
Tulad sa sektor ng agrikultura, hindi pa ganoon modernisado ang pagtatanim sa Pilipinas, kapos ang ayuda sa magsasaka at mangingisda. Kakaunti ang imprastrakturang magbibigay ginhawa sa magbubukid upang ikalakal ang kanilang ani sa pamilihan.
Kulang din ang credit lines sa maliliit na magsasaka at mangingisda upang paunlarin ang kanilang saka at huli kasi nakokopo ng corporate farming at large-scale fishing ang lahat ng pautang galing sa institusyon ng pamahalaan.
Kumbaga, kapos na kapos talaga ang tulong sa ating magsasaka. Libre nga ang patubig, pero sobrang mahal ng pataba. Hindi nga natin alam kung makatotohanan ang datos ng Department of Agriculture na ganitong halaga o bilang ng pataba ang naipamigay sa magsasaka bukod sa binhi.
Namimigay naman ng binhi pero kapos din sa teknikal na tulong sa magsasaka kung paano nila gagamitin ang makabagong teknolohiya sa pagbubukid.
Tulad ng bigas, andito sa atin ang International Rice Research Institute (IRRI) at mayroon tayong Philippine Rice Research Institute. Pero ano ang nangyayari? Umaangkat pa rin tayo ng bigas dahil hindi kayang sustenahan ng lokal na produksiyon ang pangangailangan ng bansa.
Karamihan sa magsasaka, binebenta na lamang nila ang kanilang bukid sa developer kaysa magtyagang magtanim na walang nakukuhang ayuda sa gobyerno lalo sa panahon ng kalamidad at sakuna.
Nalulubog sa utang dahil kapos ang kaalaman sa makabagong teknolohiyang magbibigay-daan sa mas malaking ani at kita sa magsasaka. Andon ang tulong sa corporate farming at large-scale fishing dahil bukod sa may puhunan sila, pag-aari ito ng malalaking pulitiko at negosyante.
Kailangan, itigil ang pag-aangkat ng produktong agrikultural, sugpuin ang kartel na nagpapahirap sa ating kababayan, durugin ang hoarders at price manipulators na nagpapahirap sa consumer.
Dapat todo ang pagbuhos ng ayuda sa sektor ng agrikultura. Eh magtatayo nga ng farm-to-market roads, kalahati lang, dumadaan pa doon sa lupain ng politiko at ibinulsa ang kalahati ng halaga ng proyekto.
Bilyong ang pondo inilalaan sa agrikultura, pero wala tayong nakikitang pag-unlad sa sektor dahil naibulsa ang karamihan ng pondo.
Kundi masawata ang smuggler at kasabwat nito sa ilang ahensya ng pamahalaan, hindi uunlad ang sektor ng agrikultura kahit ilang pang RCEP ang ratipikahan ng Senado.
Kaya noong niratipikahan ng Senado ang GATT-WTO, naiwan nang todo ang maraming sektor, marami ang nagsara. Tanging tungkulin ng Pilipinas sa miyembro ng GATT-WTO na magsuplay ng raw materials, hindi makapagluwas ng sariling gawang produkto na masasabing “Made in the Philippines.”
Kaya sa RCEP, titindi lamang ang dislokasyon ng maraming sektor na walang ibang tungkulin ang bansa natin kundi maging consumer ng produkto ng dayuhan at tayo ang taga-suplay ng raw material na gagamitin sa pagbuo ng produktong inaangkat natin.
