
TALIWAS sa ibinida ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang ikalawang State of the Nation Address (SONA) tumaas ang presyo ng mga pangunahing bilihin sa mga pamilihan, ayon sa grupong Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP).
Panawagan ni KMP secretary general Ronnie Manalo sa pamahalaan, agad na magdeklara ng ‘price freeze’ sa mga pangunahing bilihin sa merkado.
Bukod sa price freeze, hinikayat rin ng grupo ang pamahalaan na maglaan ng pondo para sa ayuda ng mga pamilyang lubos na apektado ng pagtaas ng presyo.
Bago pa man naglabas ng panawagan ang KMP, inamin ng Department of Agriculture (DA) ang napipintong paggalaw ng presyo ng gulay dulot ng bagyo.
“Mabilis na makakalimutan ang mga sinabi sa [State of the Nation Address] ng Pangulo dahil ilang araw lang makalipas, nadelubyo na ang bansa ng super typhoon Egay,” ani Manalo.
“Mas lalong tataas ang presyo ng pagkain at mga bilihin dahil sa epekto ng superbagyo.”
Sa price monitoring ng kagawarang pinamumunuan ni Marcos Jr., malaki ang itinaas ng mga gulay sa mga pamilihang bayan – kabilang ang patatas na nasa P200/kilo (mula sa dating hanggang P160/kilo), pechay na mabibili na ngayon sa halagang 150/kilo (mula sa dating hanggang P100/kilo), kamatis na may presyong P120/kilo (mula sa dating hanggang P100/kilo), pulang sibuyas sa presyong P200 (mula sa dating hanggang P180/kilo), ampalaya sa presyong P140/kilo (mula sa dating hanggang P120/kilo), repolyo sa presyong P160/kilo (mula sa dating hanggang P150/kilo), carrots sa presyong P260/kilo (mula sa dating hanggang P250/kilo) at iba pa.
Nagpasaring din ang KMP sa Pangulo na nasa bansang Malaysia nang bayuhin ng bagyong Egay ang malaking bahagi ng bansa.
“It is rather unfortunate that every time a calamity hits the country, the President is somewhere else, most of the time, out of the country enticing businesses to invest in the Philippines,” dagdag pa ng KMP leader.
“Hindi sapat na nakamonitor lang sa sitwasyon ang Pangulo, dapat nandito siya kapag kailangan siya ng ating mga kababayan.”
“Every year, during the southwest monsoon season, farmers and fishers endure this calamity situation. Such conditions further bury them in poverty and debt.”