TUMATAGINTING na P11.7 milyong pabuya ang pinaghati-hatian ng 13 impormanteng nagnguso sa 13 Most Wanted Persons sa bansa.
Personal na pinangunahan ni Philippine National Police (PNP) Chief General Benjamin Acorda ang pagkakaloob ng gantimpalang katumbas na pagkadakip ng mga pusakal na nahaharap sa kabi-kabilang kaso.
Kabilang sa mga ginawaran ng pabuya ang dalawang impormanteng tumulong para madakip ang dalawang communist terrorist group leaders na sina Ma. Salome Crisostomo at Rosita Celina Serrano na kapwa may tig-P5 milyong patong sa ulo.
Hinikayat rin ni Acorda ang publiko na makipagtulungan sa PNP para sa ikadarakip ng iba pang wanted.