WALANG magaganap na panibagong balasahan sa liderato ng Senado, ayon kay Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson.
Partikular na tinukoy ni Lacson ang kumakalat na balita hinggil sa umano’y plano ng mga kapwa mambabatas na palitan agad si Senate President Vicente Sotto III.
“Peke. Intended to deceive and confuse. Underestimating the intelligence of the new Senate majority bloc, nagba-baka sakaling may tumalon at magpirma,” wika ni Lacson.
“Malevolent, underhanded, foul and desperate. Kung may song na ‘Achy Breaky Hearts,’ eto naman – ‘Faky Breaky News,'” patutsada ng senador na kabilang sa mga mambabatas na lumagda para patalsikin ang noo’y Senate President na si Senador Francis Escudero.
Ginawa ni Lacson ang pahayag matapos ilabas sa social media ng isang aniya’y nagpapanggap na media outlet. Sa naturang Facebook post, sinasabing nagawang kumalap ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano ng sapat na suporta para agawin ang liderato ng senado kay Sotto.
“The proper and professional way is to call or approach the Senate president, inform and show him the resolution signed by at least 13 senators, then the sitting Senate President resigns at the opening of the session, not through a media outlet, whether nationally recognized or obscure,” paliwanag ni Lacson.
Maging si Senador Sherwin Gatchalian, nanindigan na walang pagbabagong magaganap sa mataas na kapulungan ng Kongreso.
“Wala namang change in leadership. Kapapalit nga lang ng leadership,” aniya.
“For now, ang majority gusto ng stability sa Senate kasi. Kung titingnan natin, maraming nangyayari sa ating bansa ngayon at gusto natin stability in the leadership of the Senate,” dagdag ni Gatchalian. (ESTONG REYES)
