SA hangarin tiyakin hindi na makakaporma sa bansa ang mga offshore gaming operations na pinaniniwalaang nasa likod ng mahabang talaan ng ilegal na aktibidad , ikinasa sa Kamara ang isang panukalang batas na nagtutulak gawing permanente ang POGO ban na iniutos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ayon sa pamunuan ng Kamara, higit na angkop ang pagsasabatas ng POGO ban sa kabila pa ng Executive Order na nilagdaan ni Marcos kahit pa magpalit ng Pangulo.
Kumbinsido rin ang Kamara na higit na kailangan pagtibayin ang direktibang POGO ban ni Marcos sa bisa ng panukalang Anti-Offshore Gaming Operations Act na naglalayong ikandado lahat ng POGO bago matapos ang taon.
Sa sandaling tuluyang maging batas, 10 taong pagkabilanggo ang parusa sa mga mangangahas lumabag — bukod pa sa multang P10 milyon.
