PARA sa Presidential Communications Office (PCO), napapanahon nang kalusin ang fake news na lubhang nakakaapekto sa kaayusan at ekonomiya ng bansa.
Sa isang pambihirang pagkakataon, personal na nagtungo si PCO Secretary Dave Gomez sa Department of Justice para hilingin ang pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa mga nasa likod ng mga social media page na umano’y nagpapalaganap ng maling impormasyon sa gitna ng krisis sa enerhiya.
Partikular na tinukoy ni Gomez ang Facebook page na “Malasakit News Pilipinas” na umano’y naglalabas ng mga gawa-gawang balita tulad ng umano’y nakaambang energy lockdown.
“We are asking the Department of Justice to investigate at least three ‘fake news’ posts, determine the persons who fabricated them, and bring them to court on behalf of the Filipino people to answer for the harm they have caused the public,” ani Gomez.
Target umano ng mga tinawag niyang “fake news peddlers” lumikha ng takot para makapambiktima ng bibili ng solar panels. Meron din aniyang nagkakalat ng “fuel shortage” na posibleng magdulot ng “panic” at mag-udyok sa publiko na mag-imbak ng gasolina, diesel, at LPG.
Hindi rin aniya katanggap-tanggap ang sinasabing nakaambang “emergency lockdown” dahil sa umano’y COVID-19 variant na Cicada.
Sa ilalim ng umiiral na batas, kabilang sa mga kasong maaaring isampa ang paglabag sa Article 154 ng Revised Penal Code na may parusang hanggang anim na buwang pagkakakulong.
Mas mabigat na kaparusahan naman aniya ang naghihintay sa mga kapural na pwedeng sampahan ng kasong paglabag sa Cybercrime Prevention Act dahil isinagawa ang pagkakalat ng fake news sa social media.
“Any attempt to mislead the public about energy security, supply, or pricing to sow confusion will be treated as a serious offense. We will not let you get away with a crime. We will go after you and hold you to account.”
