
MATAPOS mabilad sa panibagong kahihiyan ang Ninoy Aquino International Airport (NAIA) bunsod ng samu’t-saring pesteng natuklasang namamahay sa pangunahing paliparan, nakatakdang rebisahin ng Manila International Airport Authority (MIAA) ang kontrata ng mga private service providers na inatasang tiyakin ang kalinisan sa NAIA.
Partikular na tinukoy ng MIAA ang airport housekeeping, exterminators, at iba pang service providers kasunod na rin ng sunod-sunod na reklamo hinggil sa mga naglipanang peste sa paliparan.
Sa pinakahuling eskandalong naglagay Pilipinas sa panibagong kahihiyan, inireklamo ng ilang pasahero ang perwisyong dulot ng mga surot sa loob ng paliparan. Ilang araw ang lumipas, isang video naman ang inilabas sa Facebook kung saan hagip ang paglalamyerda ng isang daga sa kisame sa Terminal 3 – at ang pinakahuli, nakakadiring ipis naman ang bida sa departure area ng NAIA.
Pag-amin ng pamunuan ng MIAA, hindi katanggap-tanggap ang mga pagkakaroon ng peste sa pangunahing paliparan ng bansa.
“Kung ano pa mang peste yan— ipis, surot, rodent, anay, ang expectation syempre, ng airport, inengage namin ang services nila as experts on that field of extermination, then we should have an expectation na wala pong ganitong mga pest or rodents sa ating airport,” giit ni MIAA Head Executive Assistant Chris Bendijo.
“Whether it’s still our time, before the privatization, until privatization and even after we act as regulators, our only hope is to improve our airport. Wala naman po kaming ibang hangad dito,” dugtong ni Bendijo.