Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
DAHIL sa kawalang-interes ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), minabuti ng isang kongresista na pangunahan ang imbestigasyon sa hangarin panagutin ang may sala kaugnay halos 100 taong nasawi sa trahedya sa bayan ng Maco, lalawigan ng Davao de Oro noong nakalipas na buwan ng Pebrero.
“Parang walang gustong kumilos at parang gustong ibaon na lang natin sa limot ang insidente,” dismayadong pahayag ni ACT-CIS Rep. Erwin Tulfo.
“Okey lang hindi na imbestigahan kung walang namatay, kaso 90 ang binawian ng buhay doon… ganun-ganun na lang ba?”
Ayon kay Tulfo na tumatayong House Deputy Majority Leader, hindi angkop na magbulag-bulagan ang pamahalaan lalo pa’t sangkot ang isang malaking minahan sa isang lugar na deklaradong ‘no-build zone.’
Partikular na puntirya ni Tulfo ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) at Mines and Geosciences Bureau (MGB) na aniya’y inakala niya noong una na kikilos at mag-iimbestiga sa pagguho ng lupa sa Barangay Masara. Pasok din sa radar ng kongresista ang lokal na pamahalaan.
Paniwala ng mambabatas, may nagaganap ‘cover-up’ sa hanay ng mga opisyales ng mga kinauukulan tanggapan ng pamahalaan.
Suportado naman ng liderato ng Kamara at maging ng mga militanteng kongresista ang isinusulong na imbestigasyon ni Tulfo – “Dapat may managot dito kasi idineklara na nga na no build zone bakit may mga bahay pa rin doon?”
