
SUPORTADO ng Department of National Defense (DND) ang pag-arangkada ng Doshin Bayanihan 2025 – ang kauna-unahang aktibidad sa pagitan ng Pilipinas at bansang Japan sa ilalim ng Reciprocal Access Agreement (RAA).
Paglilinaw ni Defense Secretary Gilbert Teodoro, hindi digmaan ang pakay ng sabayang pagsasanay sa pagitan ng mga Air Force ng Japan at Pilipinas. Aniya, paghahatid ng humanitarian assistance at disaster relief ang layunin sa likod ng naturang aktibidad.
Nagsimula kahapon, Oktubre 7 ang Doshin Bayanihan sa Brig. Gen. Benito Ebuen Air Baise sa Mactan, Cebu at magtatagal hanggang sa Oktubre 11.
Kasunod nito, ipinaabot din ng Defense Department sa pamahalaan ng Japan ang pasasalamat dahil nasabay ang pagsasanay sa kagyat na paghahatid naman ng tulong sa mga naapektuhan ng lindol sa Bogo City at mga karatig lugar na apektado ng magnitude 6.9 na lindol.
Nakatakda rin anilang paigtingin ng RAA ang bilateral defense collaboration, interoperability at mas pinalakas na seguridad ng dalawang bansa gayundin sa katatagan sa rehiyon.
Samantala, pumalo na sa 669,000 indibidwal ang apektado sza malakas na pagyanig ng lupa sa lalawigan ng Cebu, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Batay sa datos ng NDRRMC ngayong araw, umabot na sa halos 180,000 na pamilya o katumbas ng mahigit 669,000 na indibidwal ang apektado ng lindol.
Sa naturang bilang, mahigit sa 1,500 pamilya ang patuloy na nananatili sa mga evacuation centers, habang pinili naman ng iba pa ang lisanin ang kani-kanilang lugar.
Umabot na rin sa72 ang mga kabuuang bilang ng mga nasawi, habang nasa 559 katao naman ang nasaktan. (EDWIN MORENO)