NI JAM NAVALES
“Sa wakas, yung pinaglalaban natin na 30% increase sa PhilHealth benefits, aprubado na.”
Ito ang naibubulas ni AGRI Partylist Rep. Wilbert T. Lee kasabay ng malugod na pagtanggap sa desisyon ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) Board of Directors (BOD) na ipatupad na ang matagal na niyang panawagan para sa 30% increase sa lahat ng benepisyo na ibinibigay ng naturang health care insurance agency.
“We thank the PhilHealth’s Board of Directors and its Executive Committee, led by BOD Chairman Sec. Teodoro Herbosa and PhilHealth President and Chief Executive Officer Emmanuel Ledesma Jr., for heeding our relentless call to implement the 30% increase on its health packages and coverage,” pahayag ng Bicolano solon.
Ayon kay Lee, malaking tulong ang nasabing dagdag na suportang ito ng PhilHealth sa pagpapagamot o pagpapa-ospital ng milyon-milyong Pilipino.
Para sa neophyte lawmaker, napapanahon lamang na itaas ng PhilHealth ang medical coverages nito lalo’t ang sinusunod nitong case rate ay hindi na akma sa ngayon at hindi na nakatutugon sa taas ng gastusin sa pagpapagamot lalo ng mga benepisyaryo nito.
“Dahil sa inflation, nagtaasan na lahat ng presyo—pagkain, tubig, petrolyo, gamot, pati mga bayad sa serbisyo, kasama ang pagpapa-ospital. Kaya dapat lang na mag-adjust na ang PhilHealth sa sinasagot nitong mga bayarin para mas makatulong sa mga miyembro,” sabi pa ni Lee.
“Winner Tayo Lahat sa 30% increase na ito sa PhilHealth coverage. Patuloy nating tututukan ang maayos na implementasyon nito, hanggang maabot ang pangarap natin na anuman ang estado sa lipunan, mayaman man o mahirap, walang takot o pangamba tayong makapagpapagamot dahil wala na o konti na lang ang babayaran dahil sa tulong ng PhilHealth,” pagtatapos ng AGRI partylist lawmaker.
