Ni ESTONG REYES
SA gitna ng tumataas na bilang ng mga insidente ng pagmamalupit sa mga alagang hayop, target ni Senador Grace Poe na palakasin ang batas bilang proteksyon sa mga tinaguriang fur babies.
Partikular na isinusulong ni Poe ang Senate Bill 2458 kalakip ang mga probisyong magpapataw ng mas mabigat na parusa laban sa mga malupit na amo sa bisa ng amyenda sa animal welfare law.
Ayon kay Poe, malaki ang nagawa ng mga inisyatiba ng ilang animal welfare groups at indibidwal na tumutulong upang mapaunlad ang sitwasyon ng naturang nilalang – “Kapag sama-samang kumikilos ang mga pribadong grupo at indibidwal para sa isang adbokasiya, marami talagang matutulungan.”
“Ako naman sa Senado, patuloy nating pinaglalaban ang karapatan ng mga alaga nating aso at pusa kasama ng mga pet owners,” dagdag ng senadora.
Nakilahok si Poe sa kasamahang animal welfare advocates sa ikalawang anibersaryo ng Biyaya Animal Care sa Mandaluyong City kung saan nasa 4,000 katao ang lumahok sa pagtitipon tampok ang libreng serbisyo sa mga alagang aso at pusa.
Isinusulong ng panukala magkaroon ang bawat barangay ng animal welfare programs to upang mabilis at epektibong pagtugon laban sa pagmamalupit sa hayop.
Layunin din ng panukala, ayon kay Poe, na lumikha ng pamantayan tungo sa pagtataguyod ng responsableng pagmamay-ari ng alagang hayop kabilang ang maayos na pag-uugali at pananagutan mula sa may kontrol at nagbibigay ng kalinga sa mga hayop.
Aniya, may ilang kasamahan ang nagpanukala na maglaan ng badyet para sa local government units at kinauukulan ahensya sa pagsusulong ng neutering at spaying services sa buong bansa at maghatid ng libreng anti-rabies sa biktima ng kagat ng hayop.
Idinagdag pa ni Poe na dapat pondohan ang mga city at municipal pounds upang makabili ng gamit sa pangangalaga ng hayop.
“May nabalitaan tayo na naiwan yung mga aso at pusa sa city pound nung bumaha. Habang naparusahan na ang responsable sa insidente, ayaw na nating maulit ang ganong kapabayaan,” ayon ka Poe.
Ibinahagi ni Poe ang pagkamatay ng kanyang lolo, ang amang Fernando Poe Jr. (FPJ), sa rabies. Sa kabila nito, hindi umano tumigil si FPJ na mag-alaga ng hayop partikular ang aso.
“I have no doubt that responsible pet owners are somehow responsible pet owners, too. Kung nakakagawa tayo ng mabuti para sa ating mga alaga, magagawa rin natin ito para sa ating kababayan,” pagtatapos ng senador.
