TARGET ng minorya isalang sa congressional inquiry ang alegasyong pagbili ng pirma sa likod ng isinusulong na People’s Initiative sa hangaring baguhin ang 1987 Constitution.
Bukod sa tinaguriang piso-kada-pirma, hinikayat din nina House Deputy Minority leader at ACT Teachers partylist Rep. France Castro, Kabataan Rep. Raoul Manuel at Gabriela Rep. Arlene Brosas na imbestigahan ang paggamit ng pondo ng gobyerno sa isinusulong na People’s Initiative para palitan ang Saligang Batas.
Sa House Resolution 1541, hinikayat ng mga militanteng kongresista ang House Committee on Public Accounts na pangunahan ang congressional investigation “in aid of legislation.”
Pag-amin ni Castro, may mga reklamo na aniyang nakarating sa kanilang tanggapan hinggil sa sa panloloko sa pagpapapirma para sa pekeng people’s initiative para sa Charter Change.
Nakasaad din umano ang ulat hinggil sa vote buying kung saan magkasama umanong pagbobotohan ito ng Kongreso at Senado upang maamyendahan ang Konstitusyon.
Iginiit ng mga mambabatas sa resolusyon na hindi lamang unconstitutional kundi immoral din ang paggamit ng pondo ng social protection program at iba pang pondo ng gobyerno para suhulan ang publiko na pumirma sa panukalang pagbabago sa Konstitusyon.
Binanggit din sa resolusyon ang pro-charter change paid advertisement na tinawag na “Edsa-Pwera” na ipinalabas na sa telebisyon.
Matatandaang sinabi ni Sen. Imee Marcos ang umano’y pagbibigay ng P20 million kada distrito sa ilang lalawigan para sa “signature buying”.
