HINDI hamak na mabilis na ang proseso sa paglilitis ng mga akusadong mas pinipili ang tinatawag na “plea bargaining” sa kinakaharap na kaso.
Pag-amin ni Department of Justice (DOJ) Secretary Frederick Vida, dumadami ang mga kasong nauuwi sa plea bargaining – isang paraan para pabilisin ang pagresolba ng mga kaso.
Sa maagang pagkakamit ng hustisya, inaasahan naman ang pagbaba ng bilang ng mga persons deprived of liberty (PDL) sa mga piitan.
“Napapansin namin sa datos din ngayon, dumarami ngayon ang nagpiplea bargain sa ating mga taga-usig. Umiikli ang proseso, mas nakakamit natin yung katarungan sa mas maikling panahon,” ani Vida.
Ipinaliwanag din niya na hindi lang “conviction” ang batayan ng prosecution success rate ng DOJ kundi pati ang mga kasong naaayos sa pamamagitan ng plea bargaining at compromise.
“Yung makuha nila yung resolusyon sa pag-uusap. Hindi lang nag-drag ng anim na taon, limang taon, tapos ni ha, ni ho, hindi pa rin alam kung nasaan na yung sitwasyon,” anang DOJ chief.
