Ni EDWIN MORENO
MATAPOS idawit ng tinaguriang berdugo ng tokhang ang buong institusyon sa isinasagawang imbestigasyon ng Kamara hinggil sa extrajudicial killings sa ilalim ng nakalipas na administrasyon, hinikayat ng Philippine National Police (PNP) si Col. Jovie Espenido na maglabas ng pruweba.
Para kay PNP Public Information Office chief Col. Jean Fajardo, isang mabigat na dagok na mag-iiwan ng batik sa buong PNP ang alegasyon ni Espenido, kasabay ng hamon kay Espenido na maglabas ng matibay na ebidensya – kung meron man.
Partikular na tinukoy ni Fajardo ang paglalahad ni Espenido hinggil sa pabuya sa kada ulo ng drug suspek sa ilalim ng Oplan Tokhang ng noo’y PNP chief Sen. Ronaldo dela Rosa.
Sa bigat aniya ng paratang sa organisasyon, posibleng patawan ng parusa ang koronel kung walang pruwebang maipi-prisinta.
Kamakailan lang nang kumpirmahin ni Espenido ang reward at quota system sa giyera kontra droga ng nakalipas na administrasyon. Sa kanyang paglalahad, tinawag ng koronel ang PNP bilang pinakamalaking sindikato sa bansa.
“That is his statement kaya kailangan tanungin natin siya. Probably, he has a personal knowledge doon sa sinasabi niyang reward but para sabihin na ito ay ginawa sa buong PNP, very sweeping yung kanyang sinasabi,” ani Fajardo.
“Kung meron siyang personal knowledge na siya ay binigyan ng reward, tinanong naman siya ang sabi niya ay wala,” dagdag pa niya.
