Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
SA halip na pangasiwaan ang Davao Prison and Penal Farm, mismong ang hepe ng naturang pasilidad ang pinakulong ng quad committee na nag-iimbestiga kaugnay ng pamamaslang sa tatlong Chinese drug lords na nakapiit sa nasabing bilangguan noong 2016.
Ayon a quad committee na binuo ng Kamara para siyasatin ang mga isyung may kinalaman sa droga, illegal POGO at extrajudicial killing sa ilalim ng nakalipas na administrasyon, 30 araw mananatili sa House Custodial Center si Davao Prison and Penal Farm Warden Supt. Gerardo Padilla dahil sa pagsisinungaling.
Sa pagsalang ni Sr. Insp. Nonie Forro na tumatayong commander of prison guards ng nasabing penal farm, hayagang tinukoy ng nasabing opisyal si Padilla na di umano’y nagbigay ng clearance para ilipat ng selda sina Chu Kin Tung, alias Tony Lim; Li Lan Yan, alias Jackson Li; at Wong Meng Pin, alias Wang Ming Ping, kasama ang dalawang inutusan pumatay – sina Leopoldo Tan Jr. at Fernando Magdadaro.
Bago pa man nagbigay ng testimonya si Forro, una nang inamin nina Tan at Magdadaro sa pagdinig ng quad comm ang pagpatay sa tatlong Chinese nationals na sangkot sa drug trafficking – sa utos di umano ni Padilla.
Dagdag ng self-confessed killers, si ex-President Rodrigo Duterte ang siyang nagbigay ng direktiba sa jail warden para likidahin ang naturang suspected drug lords kaya pinagsama-sama silang lima sa isang bartolina at nangyari ito noong Agosto 13, 2016.
Sinabi rin ni Tan na matapos nilang mapatay sa pamamagitan ng saksak ang tatlong Chinese, narinig din niyang tumawag si Duterte kay Padilla para batiin ang huli sa tagumpay na pagrampa sa mga dayuhang Tsino.
Sa pagtatanong ni Laguna Rep. Dan Fernandez, co-presiding officer ng quad comm at chairman ng House Committee on Public Order and Safety kay Forro, tinanong kung sino ang nag-utos para pagsama-samahin sa loob ng isang bartolina sina Tan, Magdadaro at mga Chinese nationals.
Paglalahad ng commander of prison guards, mayroong tatlong level of officials ang pagdadaan ng paglilipat sa ibang selda ng bawat bilanggo.
“May advise po si Sir Gerry… may advise po si Supt. Padilla,” ang sabi pa ni Forro kung saan ang warden umano ang may pinal na desisyon at nagbigay ng basbas para dalhin sa Cell No. 6 ang lima.
Subalit nagmatigas si Padilla at itinanggi ang lahat ng pagtuturo sa kanya nina Tan at Forro sa mga pangyayari.
“Pinapasinungalingan ko po ang lahat, wala pong nangyaring tawag sa akin mula sa presidente noong panahong iyon, at saka po yong mga meron po akong sinumpaang salaysay kung saan naka-base po ito sa investigation report ng parallel investigation na ginawa ng PNP Dujali City and province. Nandito po ang mga unang sinumpaang salaysay ng dalawa bago po naipasa sa korte para masampahan sila ng kaukulang demanda.”
“Paano nagkataon Mr. Chair na sabay silang pumasok doon sa selda sais. Pwede po ba pumasok ang bilanggo sa bartolina without the approval of the warden? Pwede po ba pumasok ang tatlong Chinese national without the approval of the warden? Ito po ang tatanungin ko sa inyo, kayo pong warden, alam po ninyo ang lahat nangyayari sa bilangguan. Imposible na napasok ang limang tao sa selda sais na magkasama without the prior approval of the warden,” ang tugon naman ni Surigao del Sur Rep. Johnny Pimentel.
“Hindi po tayo kindergarten dito, hindi po tayo bata, alam ho natin ‘yong regulasyon, I was a governor before, ako ay dumalaw rin ng mga provincial jails, and I know the regulations, wala pong nangyayari na mga movement ng bilanggo kung wala pong approval ng warden,” dagdag pa ng Mindanaoan lawmaker.
Sinegundahan naman ni Fernandez ang litanya ni Pimentel at sinabi kay Padilla na “being the warden…during that time that they were apprehended tapos nilipat natin sila sa bartolina. ‘Nung nilipat sila sa bartolina we all know that these are all foreigners and high-value targets. And together with the two PDLs, that they committed and they were convicted of murder, putting them together will put those foreigners at risk. Hindi mo ba naisip ‘yon?”
Sa pagkadismaya ng mga kongresista kay Padilla, nag-mosyon ang co-chair ng Quad-Comm na si House Committee on Public Accounts Chairman Joseph Stephen Paduano (Abang Lingkod Partylist) na i-contempt ang una kung saan wala namang kumontra kaya inihayag ni Presiding Chairman at House Committee on Dangerous Drugs Chairman Robert Ace Barbers (Surigao del Norte 2nd Dist.) makulong ito ng 30 araw sa Bicutan.
