
Ni ESTONG REYES
PARA kay Senador Sherwin Gatchalian, hindi mamamayagpag ang mga bulilyasong POGO Hub sa Bamban (Tarlac) at Porac (Pampanga) kung wala ang mga politikong nagbibigay proteksyon sa establisyemento.
Sa isang panayam sa radyo, inamin ni Gatchalian na may mga talaan na siya ng pangalan ang mga nangongotong na politiko kapalit ng proteksyon sa mga ilegal na operasyon ng POGO.
Gayunpaman, tumanggi muna ang senador na isiwalat ang pagkakakilanlan ng mga sinasabing patong na politiko sa mga bayan ng Bamban at Porac kung saan nabisto ang dalawang pinakamalaking POGO hubs sa bansa.
Pagtitiyak ni Gatchalian, batid na rin ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality ang pangalan ng mga politiko na sangkot o nagbibigay proteksyon sa mga scam farm sa mga nabanggit na bayan sa lalawigan ng Tarlac at Pampanga.
“Pag-uusapan namin sa komite at kasama yung enforcement agencies… ayaw natin malagay sa kompromiso ang kanilang tuloy-tuloy na pag-iimbestiga. When the time comes lalabas din iyan,” wika Gatchalian.
“Dito sa ating bansa, with my experience and observation, hindi nagtatagal ang ganyan. Lumalabas at sumisingaw at nalalaman din ng publiko,” aniya pa.
Katunayan aniya, ginagapang na rin ng mga nasabing politiko ang Presidential Anti-Corruption Commission (PAOCC) para itigil ang mga operasyon kontra illegal POGO hubs.
Una nang sinabi ng ni Winston Casio na tumatayong tagapagsalita ng PAOCC na ikabibigla ng publiko ang mga personalidad na nasa likod ng Lucky South 99 Outsourcing Incorporated na nagpapatakbo ng scam farm sa Porac, Pampanga.
“Itong susunod na mga araw po siguro, makikita natin kung sino nga ba ang tunay na may-ari sa likod nitong Lucky South 99 at mabibigla ang sambayanang Pilipino kung sino nga ba ang nasa likod,” ayon kay Winston Casio, spokesperson ng PAOCC.