SA dami at lawak ng mga hacienda kung saan posibleng nagtatago ang puganteng lider ng Kingdom ng Jesus Christ (KOJC), bigo ang Philippine National Police (PNP) na masilayan si Pastor Apollo Quiboloy para sa paghahain ng mandamiento de arresto.
Sa ulat ng PNP, madaling araw pa lang kahapon nang palibutan ng hindi bababa sa 100 Special Action Force (SAF) commando ang Glory Mountain sa Tamayong, Calinan District subalit wala maski anino ni Quiboloy.
Kasabay ng pagsalakay ng mga SAF Commando, pinasok din ang KOJC compound sa Barangay Sasa sa Buhangin District, QSands Resort sa Island Garden City sa Samal at Kitbog Compound sa Malungon sa Sarangani – pero hindi rin natagpuan ang target na si Quiboloy.
Sa ulat ng pulisya, bahagyang nagkaroon ng tensyon sa pagitan ng mga SAF Commando at mga tagasuporta ng KOJC founder sa Barangay Sasa kung saan nagbarikada ang mga kapanalig ni Quiboloy na nahaharap sa mahabang talaan ng mga kasong kriminal kabilang ang child abuse, sexual abuse at human trafficking.
Ayon sa mga supporter ng puganteng pastor, walang dahilan para magpadala ng mga SAF Commando sa KOJC Compound kung pag-aresto lang ang pakay sa kanilang kinikilalang lider.
Hindi rin aniya wasto ang ginawang pagwasak ng mga operatiba sa bakod at gate ng compound kung saan nananahan ang nasa 1,000 misyonaryo.
Dito na nagkatulakan ang pwersa ng SAF Commando at mga kapanalig ni Quiboloy. Sa huli, inaresto ng pulisya ang ilan sa mga tagasuportang pilit di umano pinipigilan ang paghahain ng warrant of arrest laban kay Quiboloy.
Giit ng grupo ni Quiboloy, walang dalang search warrant ang mga operatiba.
Gayunpaman, nilinaw ng tumatayong lider ng mga SAF Commando na bitbit nila ang warrant of arrest laban sa puganteng pastor.
Para maiwasan ang pagsiklab ng gulo, gumitna si dating Pangulong Rodrigo Duterte na nakiusap sa mga tagasuporta ni Quiboloy na huminahon at bigyang-daan ang mga operatiba para matapos ang tensyon.
Pagsikat ng araw, ganap nang nakapasok ang mga SAF Commando kasabay ng pag-iikot sa paligid ng KOJC compound ng tatlong military helicopters sa himpapawid.
