KUMBINSIDO si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na may mga malaking tao sa likod ng halos dalawang toneladang shabu na nasabat sa inilatag na checkpoint ng lokal na pulisya sa bayan ng Alitagtag sa lalawigan ng Batangas.
Direktiba ni Marcos sa Department of Interior and Local Government (DILG) Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Philippine National Police (PNP) talupan ang utak sa likod ng kontrabando – at dakpin, kesehodang politiko o unipormado.
“Kahit sinuman ang kasabwat dito sa drug trade, kahit powerful politician police or kung sinuman ay talagang pai imbestigahan natin,” sambit ni Marcos na personal na nagtungo sa Barangay Pinagkrusan, sa bayan ng Alitagtag kasama si DILG Secretary Benhur Abalos.
Suspetsa ng Pangulo, ginagamit ng isang malaking sindikato ang Pilipinas bilang transit point ng mga primera-klase ng droga, batay sa ginawang pagsusuri ng PDEA.
Sa direktiba ni Marcos, partikular na nais matukoy ng Pangulo ang bansang pinagmulan ng droga, kung paano nakapasok, at mga opisyales na kasabwat ng international drug syndicate.
“We would also like to point out that this is the biggest shipment of shabu na nahuli natin but not one person died. Walang namatay, walang naputukan, walang nasaktan. Basta’t inoperate natin na dahan-dahan… yun naman dapat ang approach sa drug war,” paandar pa ng Pangulo.
Sa ilalim ng panahon administrasyong Duterte, nasa 6,000 katao ang pinaslang sa mga operasyon kontra droga – estilong ibinasura ng gobyerno sa ilalim ng liderato ni Marcos Jr.
