SA kabila ng mahigit P8-billion allocation na nakapaloob sa 2022 national budget – bukod pa sa tinatanggap na bahagi sa ilalim ng Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF), tila walang plano ang Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization (PhilMech), na gamitin ang naturang pondo para sa pataasin ang antas ng produksyon ng mga lokal na magsasaka.
Para kay AGRI Party-list Rep. Wilbert Lee, malaking bentahe sana sa katuparan ng isinusulong na programang pang-agrikultura ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kung naging maagap ang Philmech sa mga pangangailangan ng mga magbubukid sa kanilang sakahang pinagmumulan ng pagkain para sa sambayanan.
Partikular na tinukoy ni Lee ang kabiguan ng Philmech na paglaanan ang pagbili ng farm equipment at post-harvest facilities na magbibigay daan para mapabuti ang agricultural workers’ production at resolbahin ang pagtaas sa presyo ng bigas at iba pang produktong pagkain.
“Sa pag-iikot ko sa ating bansa, isa po sa laging pinoproblema ng ating cooperatives and farmers ang farm equipment and mechanization. Bukod sa on time na pagdating ng ayuda para sa farm inputs, ito ang pinakahihintay nila para pataasin ang kanilang produksyon at kita,” dismayadong pahayag ng Bicolano solon.
“Mahigit 8 bilyong piso ang natirang budget mula sa 2022, mula sa appropriations ngayong 2023, at meron pang pondo galing sa RCEF. Sa ilang buwan na lang, magbibigay na naman ng pondo sa PhilMech galing sa RCEF, an additional of about 5 billion pesos… so mga 13 billion pesos po lahat yan,” pagsisiwalat ni Lee sa deliberasyon ng Kamara kaugnay ng 2024 budget ng Department of Agriculture (DA).
Ayon sa AGRI partylist lawmaker, hindi na kailangan maging sensitibo ang liderato ng PhilMech para malaman kung kailan talaga makakarating sa end-users o sa mga magsasaka ang mga angkop na serbisyo at mga kinakailangang kagamitan sa mga sakahan.
“Our farmers and fisherfolk are our food security soldiers in our war against hunger; paano sila lalaban kung wala silang bala? Malaking kasalanan na natetengga ang bilyon-bilyong budget na nandyan na at dapat ay napapakinabangan na ng ating mga magsasaka at mangingisda. Hindi natin pwedeng hayaan na sa susunod na taon, ganito na naman ang mangyayari,” hirit ni Lee.
“Huwag na po nating patagalin ang pagdurusa ng ating mga food security soldiers. Kailangan maging proactive tayo sa pagtulong sa ating mga magsasaka at mangingisda para tulungan pataasin ang kanilang produksyon at kita, at mapababa ang presyo ng bilihin kung saan Winner Tayo Lahat,” aniya pa.
Nauna nang inihain ni Lee ang House Bill 3958 (Post-Harvest Facilities Support Act) na nagsusulong para sa komprehensibong programa ng pamahalaan sa pagpapagawa at pagkakaroon ng post-harvest facilities sa mga agricultural areas upang mapababa ang post-harvest production losses at mapataas din ang kita ng agriculture workers.
………….