NAG-REMIT na ang Development Bank of the Philippines ng P25 bilyong kontribusyonn sa Maharlika Investment Fund (MIF), mas maaga sa pormal na pagtatatag ng korporasyon na hahawak sa kauna-unahang wealth fund ng bansa.
Sa pahayag, sinabi ng DBP na pormal nang inilipat ang naturang halaga sa Bureau of the Treasury.
Ito ay matapos ang tatlong linggong pag-isyu ng implementing rules and regulations (IRR).
Ang P25 bilyon ay kumakatawan sa bahagi ng DBP para sa inisyal na seed capital sa MIF.
Nauna na ring nagbigay ang Land Bank of the Philippines ng P50 bilyon.
Ang dalawang bangko ay dalawa sa pinakamalalaking financial institution sa bansa.
Habang hindi pa nag-uumpisa ang Maharlika Investment Corp. (MIC), masisilbi namang escrow ang Treasury hanggang sa mabuo ang organisasyon.
Sinabi ni DBP president at CEO Michael de Jesus na sumusuporta ang bangko sa mithiin ng gobyerno sa pagpapaunlad pa ng bansa.
Inaasahan din ng DBP na maayos at epektibong mapatatakbo sa pamamagitan ng malakas na liderato ang MIF.
Sinabi naman ni De Jesus kailangang maisulong nang mabuti ng MIC ang paggamit ng pondo ng gobyerno upang makuha ang inaasahang kita at suporta sa mga proyektong pang imprastruktura.
“DBP foresees that in the next four to five years, the country should be reaping the gains from both on the financial and developmental fronts as a result of the trailblazing activities of the MIC,” dagdag pa ni De Jesus.
Umaasa naman si Finance Secretary Benjamin Diokno na magsisimula na ang MIF bago matapos ang taon tulad ng naunang schedule.