PIHADONG mas mahihirapan ang mga misis pagkasyahin ang karampot na kita ni mister matapos ang panibagong dagdag-presyo sa liquefied petroleum gas (LPG).
Sa isang anunsyo, kinumpirma ng Petron ang pagtaas ng P1.50 sa kada kilo ng binebentang LPG sa merkado sa pagpasok ng unang araw ng Pebrero.
Bukod sa Petron, ibinahagi rin ng kumpanyang Solane ang P1.55 per kilogram price increase sa petrolyong karaniwang ginagamit sa pagluluto.
Paliwanag ng Petron at Solane, obligadong itaas ang presyo bunsod ng international LPG contract price adjustment.
Nito lamang Enero, nagpatupad ng P2.18 per kilogram price increase sa LPG ang Petron at Solane. (LILY REYES)
