Ni LILY REYES
SA kabila ng patuloy na pagtaas sa presyo ng bigas sa mga pamilihang bayan, wala pa rin plano ang Department of Agriculture (DA) magpatupad ng price cap para pigilan ang pagsirit sa halaga ng pangunahing pagkain ng mga mamamayang Pilipino.
“Wala kaming plano na magkaroon ng price cap or SRP kasi may mabigat ding epekto yan pagdating ng panahon,” ayon kay Agriculture Assistant Secretary Arnel de Mesa na tumatayong tagapagsalita ng kagawaran.
Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), malaki ang epekto sa food inflation ng bansa ang mataas na presyo ng bigas sa merkado.
Base sa datos ng PSA noong nakaraang buwan ng Marso, pumalo sa 3.7% mula sa dating 3.4% ang food inflation sa bansa. Ang itinuturong dahilan – pagtaas ng presyo ng mga pagkain tulad ng bigas at karne.
Umakyat din anila sa 5.6% noong nakaraang buwan ang food inflation mula sa 4.6% na naitala noong Pebrero.
Pag-amin pa ni de Mesa, halos basagin na ng 24.4% rice inflation rate para sa buwan ng Marso 2024 ang all time high na 24.6% na naitala noong Pebrero 2009 na 24.6%.
Una nang nagbabala ang PSA hinggil sa pagpapatuloy ng rice inflation hanggang buwan ng Agosto.
