Ni ESTONG REYES
KUMBINSIDO si Senador Ronald dela Rosa na hindi tinatago ni dating Pangulo Rodrigo Duterte ang puganteng kaibigan na si Kingdom of Jesus Christ (KOJC) founder Apollo Quiboloy.
Paliwanag ni dela Rosa, batid ng dating Pangulo ang batas na mahigpit na nagbabawal sa pagkanlong ng sinumang pinaghahanap ng batas.
“You cannot expect ng pagkanlong coming from a former president, a lawyer at dating fiscal. Alam niya na violation of law kaya huwag nang gawan ng istorya na kinakanlong ni Pangulong Duterte dahil alam niya ang batas hindi yan mangyayari,” sambit ni Dela Rosa isang panayam sa radyo.
Una nang tinungo ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang lugar sa Davao City kung saan pinaniniwalaang nagtatago si Quiboloy. Gayunpaman, bigo ang mga operatiba abutan ang kontrobersyal na Pastor na nakatakda sana dakpin sa bisa ng mandamiento de arresto na inilabas ng Davao City Regional Trial Court kaugnay ng kasong kahayan na isinampa ng mga dating kapanalig.
Bagama’t magkaibigan ang dating pangulo at si Quiboloy, naniniwala si dela Rosa na hindi kakanlungin ng dating Pangulo ang pastor.
Katunayan pa aniya, pinayuhan ni Duterte si Quiboloy na sumuko na lamang at harapin ang mga kinakaharap na kaso.
“He has no choice kundi kailangan harapin niya if he has to listen to me that is may advise harapin niya yan, naka-file na yang kasong yan,” dugtong pa ng senador.
“Mas magandang harapin niya. Otherwise, kung ayaw niyang harapin, magtago siya sa pinaka secure at pinaka-safe na lugar na hindi talaga siya makita dahil hinahanap talaga siya . You cannot evade the long arm of the law,” babala ni Dela Rosa na minsang nagsilbing hepe ng pambansang pulisya..
“Liliit talaga ang mundo so sana harapin na lang niya,”
Bukod sa kaso sa Davao RTC, sinampahan rin ng asunto ang Department of Justice (DOJ) ang KOJC founder sa Pasig RTC para sa reklamong human trafficking.
