Ni JAM NAVALES
“HINDI tayo dapat maging dayuhan sa sarili nating bayan,” patutsada ng isang kongresista kaugnay ng fishing ban na idineklara ng China sa West Philippine Sea, kasabay ng panawagan sa pamahalaan sa protektahan ang mga mangingisdang Pinoy na naglalayag sa naturang bahagi ng karagatan.
Ayon kay Agri partylist Rep. Wilbert Lee, dapat tiyakin ng gobyerno na malaya pa rin maka pamalakaya nang walang agam-agam ang mga Pilipino sa karagatang pasok sa 200-nautical mile Philippine exclusive economic zone.
Angkop rin aniya ang pagkakaloob ng tulong sa mga mangingisdang apektado sa walang puknat na pagtataboy ng Chinese Coast Guard sa mga tinaguriang “trespassers” sa kabila pa ng pagbasura ng Permanent Court of Arbitration sa argumentong nine-dash line na basehan ng China sa pag-angkin ng buong South China Sea.
“Karapatan natin na malayang makapangisda sa West Philippine Sea, lalo na sa mga tubig na nasa loob ng ating exclusive economic zone dahil teritoryo natin ito. Atin ito!” matapang na bigkas ng Bicolano solon.
“Pero dahil matagal nang may pattern ng pambubully at harassment ang China sa ating mga mangingisda sa WPS, kailangang ihanda at siguruhin ang mabilis na paghahatid ng tulong at ayuda sa mga hindi maka pangingisda dulot ng fishing ban,” dagdag niya.
Buwan pa ng Mayo nang ipatupad ng China ang fishing ban na tatagal hanggang pagsapit ng Setyembre 16.
Bagama’t ikinalulugod ng kongresista ang paghahain ng diplomatic protest laban sa fishing ban, hindi pa rin aniya dapat ipagwalang-bahala ang dagok sa kabuhayan ng mga maliliit na mangingisda.
Hirit ni Lee – proteksyon sa kabuhayan ng mga lokal na mangingisda.
“Kung agresibo ang Tsina, kailangang maging agresibo din tayo sa pagsuporta at pagprotekta sa karapatan ng ating mga mangingisda para makapag hanapbuhay nang ligtas at matiwasay,” giit ng Agri partylist solon.
“Habang tumatagal ang problema, lalong nadedehado dito ang ating mga mangingisda na konti na nga lang ang kinikita, pinagkaitan pa lalo sa kabuhayan nila. Talo rin ang buong bansa rito – mula sa pagbaba ng supply ng isda na nakakaapekto sa ating food security hanggang sa pagtaas ng presyo sa merkado, na dagdag pasanin sa mga consumers,” dugtong pa niya.
“Winner Tayo Lahat sa pagprotekta sa buhay at kabuhayan ng ating mga mangingisda at sa pagtatanggol sa ating teritoryo. Pakikinabangan ito hindi lang ng sektor ng pangingisda, hindi lang ng henerasyon ngayon, kundi maging ng buong bansa at ng susunod pang henerasyon ng mga Pilipino,” pagtatapos ni Lee
