Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
HINDI nakayanan ni dating Health Secretary Francisco Duque ang init ng upuan sa Kamara de Representantes kung saan patuloy na binubusisi ang Pharmally scandal sa gitna ng pandemya.
Sa gitna ng interogasyon ng mga kongresista kaugnay ng paglipat ng P47.6 bilyong pondo ng Department of Health (DOH) sa Procurement Service ng Department of Budget and Management (PS-DBM) para sa pagbili ng mga medical supplies sa kasagsagan ng pandemya noong 2020, nilaglag ni Duque si former President Rodrigo Duterte.
Sa oversight hearing House Committee on Appropriations na pinamumunuan ni Marikina City Rep. Stella Luz Quimbo, diretsahang tinanong ni ACT Teachers partylist Rep. France Castro si Duque kung paano naisakatuparan ang nasabing paglilipat ng bilyones na pondo.
Sagot ni Duque, si Duterte ang nag-utos sa kanya na ilipat ang pondo sa PS-DBM na ginamit naman bilang pambayad sa Pharmally Pharmaceutical Corp. na nagsupply ng personal protective equipment (PPE).
Katunayan aniya, inako na ni Duterte ang responsibilidad sa isa sa mga lingguhang programa ng dating presidente — “Publicly this was made by the President in our meetings in the weekly meeting or talk to the people.”
Inusisa rin ni Deputy Majority Leader at Iloilo 1st District Rep. Janette Garin si Duque hinggil sa paggamit ng pondo ng DOH at Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth), partikular sa halaga ng COVID-19 test kits.
“The issue here is PhilHealth paying P8,150 per COVID testing at ‘yan ang naging benchmark kaya lahat ng private laboratories, including government laboratories ay tinaga ang mga pasyente. And mind you, nagkaroon pa kayo ng ruling na hindi pwede i-release kung hindi maging negative ang test,” mariing pahayag ni Garin.
“So the point here is the pandemic became an opportunity para lalong maghirap ang tao,” dugtong ng Iloilo lady lawmaker.
Nagpahayag din ng pagkabahala si Garin sa pagtugon ng administrasyong Duterte pandemya kung saan nangutang pa ng $2.21 bilyon ang pamahalaan para lang tustusan ang Philippine COVID-19 Emergency Response Project (PCERP) at sa Health System Enhancement to Address and Limit COVID-19 (HEAL) noong 2021 at 2022.
“So if you translate that to pesos, considering the P51 conversion rate (in 2021), that’s tantamount to P112,719,180,000. But because the conversion rate has increased, nagkaroon na ‘yan na instead of P112.7 billion, naging P129.3 billion na siya. Ganun po kalaki ang utang natin,” ani Garin.
“Pero marami pa rin na namatay, maraming healthcare workers ang hindi pa nababayaran, maraming ospital ang hindi nare-reimburse at hindi rin natin ma-account kung ‘yung mga binili natin ay talagang nagamit,” dagdag pa ng ranking lady House official.
Bago pa man sumalang sa pagdinig si Duque, ipinag-utos ng Office of the Ombudsman ang pagsasampa ng kasong graft laban sa dating DOH Secretary kaugnay ng nasabing usapin.
Dawit din sa kinasuhan si dating Budget Undersecretary Christopher Lao.
