October 25, 2025

saksipinas

Palaban, Walang Kinikilingan

PULONG, BAYAW AT YANG, NGINUSO SA P6-B DRUG SMUGGLING 

Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II

ISANG huwad na giyera kontra droga ang inilunsad sa ilalim ng nakalipas na administrasyon, ayon sa isang dating intelligence officer ng Bureau of Customs (BOC) kasabay ng pagkanta sa mga aniya’y personalidad sa likod ng P6-billion drug smuggling.

Pag-amin ni former BOC intelligence officer Jimmy Guban sa unang pagdinig ng quad committee na inatasang mag-imbestiga sa usapin ng droga, patayan at POGO sa ilalim ng nakalipas na administrasyon, mismong anak at manugang ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang mga kasama sa sindikato ni former presidential economic adviser Michael Yang.

Katunayan aniya, sina Davao City Rep. Paolo Duterte, Atty. Mans Carpio (asawa ni Vice President Sara Duterte at Yang ang “nagparating” sa bansa ng P6-bilyong halaga ng droga sa Pilipinas noong taong 2018.

Sa kanyang testimonya, ikinuwento ni Guban na Agosto 2018 nang masakote ng mga Customs intelligence operatives na kanyang kinabibilangan ang dalawang magnetic lifters sa Manila International Container Port (MICP) na naglalaman umano ng 355 kilo ng shabu.

Base sa salaysay ni Guban, isang pulong ang kanyang dinaluhan noong unang bahagi ng 2017 sa imbitasyon ng isang Chinese national na nakilala lang niya sa pangalang Henry, kasama ang isang kilalang importer. Pinakilala pa aniya siya ng importer kay Davao City Councilor Nilo “Small” Abellera Jr.

Sa kanilang pag-uusap, hayagang sinabi ni Abellera na siya ang inatasang facilitator nina Duterte, Carpio at Yang, sa paglabas ng mga kargamento ng mga ito sa BOC.

“Councilor Small Abellera requested me not to be strict with their shipments. After that meeting, Councilor “Small” always talked to me over the phone and sought my help in the release of their shipments to which I acceded,” ayon sa affidavit ni Guban.

“In the meantime, our office received reports from our confidential informants (usually bodegueros and pahinantes of the shipments facilitated by Councilor “Small” Abellera) that illegal drugs were mixed up with the said shipments.

Dito na umano nagpasya ang noo’y Customs Investigation and Intelligence Service (CIIS) Director Adzhar Albani na maglabas ng memorandum para magsagawa ng profiling and recording ng imported goods.

Kasunod nito, ay hiniling naman umano sa kanya ng Davao City councilor na “LUWAGAN MO YANG MGA SHIPMENTS NA YAN ALAM MO NAMAN NA KINA MICHAEL YANG, PULONG AT MANS YAN.”

Noong August 2018, nadiskubre naman ni Guban at mga kasamahan niya sa BOC ang isang shipment ng VECABA Trading sa Manila International Container Port (MICP) na naglalaman ng dalawang magnetic lifter at mayroon umanong nakapalaman na 355 kilos ng shabu.

Nang magsagawa ng imbestigasyon ang Senate Blue Ribbon Committee hinggil sa bilyong halagang shabu shipment, personal di umano siyang kinausap ni Paul Gutierrez, na nagbitiw sa kanya ng mga katagang — “WAG MONG BANGGITIN ANG MGA PANGALAN NILA PULONG, MICHAEL YANG AT MANS. ALAM NAMIN KUNG SAAN NAKATIRA ANG PAMILYA MO. ALAM DIN NAMIN NA NASA MAKATI ANG ANAK MONG LALAKI.”

Kaya naman dahil sa bantang ito, hindi na isiniwalat ni Guban ang katotohanan na “COUNCILOR SMALL ABELLERA, MICHAEL YANG, PULONG DUTERTE and ATTY. MANS CARPIO are involved in the illegal drugs importation at various ports of the Bureau of Customs, more particularly the illegal drugs found and seized in MICP.”

“For fear that my son and other members of my family will be killed, including myself, I testified during the hearing on October 30, 20218 and instead of pointing /naming PULONG DUTERTE, MANS CARPIO AND MICHAEL YANG as the owners of the shipment based on the intelligence reports we gathered, I pointed to COL. ACIERTO as the one who has knowledge that the shipment consigned to VECABA Trading contains illegal drugs.”