POSIBLENG madiskaril ang hirit na dagdag pondo ng Bureau of Fire Protection (BFP) matapos mahulicam ang isang trak ng bumbero sa aktong nag susupply ng tubig sa isang swimming pool na nasa rooftop ng mansyon na di umano’y pag-aari ng isang local official sa Taytay, Rizal.
Sa isang direktibang inilabas ng Department of Interior and Local Government (DILG), nagkasa ng isang imbestigasyon si DILG Secretary Benhur Abalos sa aniya’y kalapastanganan ng ilang abusado sa pamahalaan.
Partikular na tinukoy ng Kalihim ang mga larawan at video ng trak ng BFP Taytay habang pinupuno di umano ang swimming pool na nasa ikatlong palapag ng bahay sa Maharlika Village, Barangay Dolores sa naturang bayan.
Sa isang dokumentong inilabas ni Abalos sa Facebook, inatasan ni Abalos si BFP chief Louie Puracan na maglunsad ng isang malalimang imbestigasyon para matukoy ang mga bumberong sangkot sa aniya’y paggamit ng trak ng bumbero para kargahan ng tubig ang swimming pool sa bahay na di umano’y pag-aari ni Mayor Allan de Leon.
“A photo of a firetruck allegedly being used to refill a private swimming pool was posted by a Facebook user named Taytay Updates. This incident reportedly took place in Maharlika Village, Taytay, Rizal.”
“Given the above, you are hereby to immediately conduct an investigation on the said incident to determine the validity of the same. Identify the BFP personnel involved in such unscrupulous acts, and if warranted, they should be removed from their post pending the result of a formal investigation.”
Wala pang pahayag ang BFP-Taytay, gayundin ang mayor na di umano’y may-ari ng bahay.
