KUNG pagbabatayan ang resulta ng pinakahuling survey ng Pulse Asia, lumalabas na suportado ng anim sa bawat 10 Pilipino ang quad committee sa isinasagawang imbestigasyon kaugnay ng kalakalan ng droga, illegal POGO, at extrajudicial killings noong panahon ni former President Rodrigo Duterte.
Sa isang pahayag, lubos na ikinagalak ng mga lider ng joint panel ang anila’y malakas na suporta ng publiko sa pagsisiwalat ng katotohanan at pagsusulong na panagutin ang may sala sa mga bulilyaso ng nakalipas na administrasyon.
“This is a clear mandate from the people to pursue justice and expose the truth behind these systemic abuses. We will not waver in our mission to hold powerful offenders accountable,” saad sa pinag-isang pahayag nina Quad Comm lead chair Surigao del Norte 2nd District Rep. Robert Ace Barbers, co-chair Dan Fernandez ng Laguna, Joseph Stephen Paduano ng Abang Lingkod Partylist, Bienvenido Abante ng Maynila, at Quad Comm Senior Vice Chairman Romeo Acop ng Antipolo.
Paniwala ng mga kongresista, ang resulta ng Pulse Asia survey ay pagpapakita ng kumpiyansa sa isinasagawang imbestigasyon.
“This overwhelming support from the Filipino people strengthens our resolve to go after those responsible for these systemic abuses. The people demand justice, and we will not back down,” wika ng mga mambabatas.
Kumbinsido rin ang mga lider na ang resulta ng survey ay isang mandato para ipagpatuloy ang paghahanap ng katotohanan at mapanagot ang mga may sala.
“The message is loud and clear — Filipinos want accountability and reforms. This investigation is a crucial step in dismantling the networks of corruption and abuse tied to EJKs, illegal drugs, and POGOs,” anila.
Sa survey ng Pulse Asia, na isinagawa mula Nobyembre 26 hanggang Disyembre 3, 2024, sinasabing 61 porsyento ang pabor sa imbestigasyon ng Quad Comm.
Ayon pa sa survey, pinakamalakas ang pagsuporta sa imbestigasyon ng Quad Comm sa National Capital Region (73%) at iba pang bahagi ng Luzon (66%).
Mataas din ang suporta sa lahat ng socioeconomic classes, 64 porsyento sa Class ABC, 62 porsyento sa Class D, at 52 porsyento sa Class E.
Ang Quad Comm ay binubuo ng Committees on Dangerous Drugs, Public Order and Safety, Human Rights, at Public Accounts.
Matapos makapagsagawa ng 13 imbestigasyon mula Agosto hanggang Disyembre 2024, nakumbinsi ang mga miyembro ng Quad Comm na ang war on drugs campaign ni dating Pangulong Duterte ay ginamit lang para pagtakpan ang isang “grand criminal enterprise” na kinasasangkutan ng mga matataas na opisyal ng gobyerno, sistematikong korapsyon, at international drug trafficking networks.
Kung meron umanong mga pinatay sa war on drugs, meron din anilang grupong binibigyan ng proteksyon na siyang lumago at namayagpag noong panahon ni Duterte.
“These revelations are just the tip of the iceberg. Our work ensures that those who exploit the system are exposed and held accountable,” sabi pa ng mga mambabatas.
Iginiit rin ng mga kongresista ang kahalagahan makagawa ng mga batas para hindi na muling maulit ang anila’y madilim na yugto ng kasaysayan ng bansa.
“Our objective is to break this cycle of impunity, ensure no one is above the law, and create safeguards to prevent such abuses in the future,” anila.
“This is a national issue, and the voices from every region and class validate the urgent need for this probe. Our commitment is to represent them all fairly.”
Bilang sukli sa malakas na suporta ng publiko, nangako ang mga lider ng Quad Comm na itataguyod ang pagkakaroon ng hustisya, at gagawa ng mga hakbang upang mapigilan ang mga pang-aabuso.
“Our duty is clear: fight for justice and protect the Filipino people from those who exploit the system. With your support, we are stronger and more determined than ever.” (Romeo Allan Butuyan II)
