
MATIBAY na ebidensyang patunay sa maling paggamit ng pondo at pagtataksil sa bayan ang nagtulak sa 41% porsyento ng mga Pilipino na suportahan ang pagsasakdal kay Vice President Sara Duterte.
Para kina House Deputy Majority Leader Paolo Ortega V ng La Union at House Assistant Majority Leader Jay Khonghun ng Zambales, hindi na katakatakang maraming Pilipino ang nagpahiwatig ng suporta sa impeachment laban sa pangalawang pangulo.
Batay sa survey na isinagawa sa noong Disyembre ng nakalipas na taon, kinatigan ng 41 percent ng mga Pinoy respondents ang impeachment complaint laban kay Duterte, habang 35 percent ang tutol at nasa 19 percent ang pasok sa hanay ng tinatawag na ‘undecided’.
Tatlong impeachment complaints na ang naihain sa Kamara para sa umano’y ‘gross incompetence’, ‘betrayal of public trust’, at ‘deliberate misuse of public funds’ ni VP Sara. Sa muling pagbubukas ng sesyon, inaasahan ang pagsasampa ng ikaapat na reklamo laban sa pangalawang pangulo.
Ayon kina Ortega at Khonghun, ang naturang survey ay sumasalamin sa galit ng publiko sa nabunyag na bulilyaso ng bise presidente sa P612.5 million confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd) sa panahon ng panunungkulan ni Duterte.
“Numbers don’t lie. The public is demanding accountability, and this survey reflects their growing frustration over the glaring irregularities surrounding the Vice President’s actions,” wika ni Khonghun.
Sa bisa aniya ng congressional hearings lumutang ang mga ebidensya kaugnay ng paggamit ng mga pekeng pangalan, gaya ng “Mary Grace Piattos” at “Kokoy Villamin” bilang “recipients” ng bahagi ng winaldas na pondo.
Paglilinaw naman ni Ortega, walang bahid politika ang mga impeachment charge lalo pa aniya’t may sapat na ebidensyang titindig sa husgado.
“This is about accountability. The evidence against the Vice President is glaring, from the misuse of confidential funds to a pattern of governance riddled with questions. The Filipino people deserve answers, and their support for impeachment shows they are demanding transparency and justice,” pahabol ni Ortega. (Romeo Allan Butuyan II)