
KUMBINSIDO ang dalawang prominenteng kongresista na dapat dinggin ang sentimyento ng publiko hinggil sa nabistong katiwalian sa gobyerno.
Ayon kina Senior Deputy Speaker Aurelio Gonzales Jr. at Deputy Speaker Jayjay Suarez, malinaw ang mensaheng kalakip ng resulta ng survey na pinangasiwaan ng Social Weather Station (SWS) — “accountability” at “transparency” sa pamahalaan.
Partikular na tinumbok nina Gonzales at Suarez ang pagnanais ng mga mamamayan tanggalin sa pwesto si Vice President Sara Duterte sa bisa ng impeachment trial ng Senado na tatayong impeachment court.
“Ipinapakita ng survey na ang karamihan sa ating mga kababayan ay naghahangad ng pananagutan mula sa ating mga lider. Dapat nang ipaliwanag at linawin ni VP Duterte kung saan napunta at paano ginamit ang daang milyong confidential funds ng kanyang tanggapan,” wika ni Gonzales.
Para kay Gonzales, higit na angkop magpaliwanag ang pangalawang pangulo.
“Dapat ipaliwanag ni VP Sara ang kontrobersyal na isyu tungkol kay Mary Grace Piattos at ang kahina-hinalang paggastos ng P612 milyon sa confidential funds. Hindi na maaaring balewalain ang mga ito,” dugtong ng kongresista.
Sa panig ni Suarez, sumasalamin aniya ang survey sa pagnanais ng mga mamamayan ng matinong pamahalaan.
“This sends a clear message: Filipinos demand leaders who are accountable and transparent in their actions,” sambit ni Suarez.
Nasa 2,160 respondents ang lumahok sa SWS survey na isinagawa mula Disyembre 12 hanggang 18, 2024. Lumalabas sa datos ng SWS, apat sa kada 10 Pinoy ang pabor sa impeachment ni VP Sara. (Romeo Allan Butuyan II)