
SA halip na madagdagan, nabawasan pa ang mga mambabatas na dapat sana’y makakasama ni Senador Robin Padilla sa pagtutol sa mandamiento de arresto na inilabas ng Senado laban kay Pastor Apollo Quiboloy ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC).
Mula sa apat na kapanalig, nauwi sa tatlo ang nasa panig ni Padilla matapos bawiin ni Senador JV Ejercito ang lagda sa dokumento.
Sa isang pahayag, buong-yabang na ibinida ni Padilla ang pagsama nina Senador Imee Marcos, Cynthia Villar, at Bong Go at JV Ejercito sa kanyang isinusulong na pagbasura sa contempt charges na ipinataw kay Quiboloy bunsod ng kabiguang dumalo sa mga pagdinig ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality na pinamumunuan ni Senador Risa Hontiveros.
Sa ilalim ng umiiral na protocol ng Mataas na Kapulungan, kailangan ni Padilla ng wwalonng lagda ng senador para mapawalang-bisa ang mandamiento de arresto laban kay Quiboloy na nahaharap sa patong-patong na kaso sa Pilipinas hanggang sa Estados Unidos.
Gayunpaman, patuloy naman aniya ang kanyang pakikipag-usap kina Senador Grace Poe at Raffy Tulfo.
Nakatakda naman magbigay ng kani-kanilang posisyon sina Senador Nancy Binay, Pia Cayetano, Mark Villar, Senate President Pro Tempore Loren Legarda, at Majority Leader Joel Villanueva.
Mayroon na lang apat na araw si Padilla para mahimok ang lima pang mambabatas na samahan siya sa pagtutol sa nakaambang pagdakip kay Quiboloy.
“Para sa akin deserve niya ang aking suporta na mapunta siya sa korte, sa judiciary. Hindi ako naniniwalang in aid of legislation.”
Para naman kay Senador Cynthia Villar, kaibigan ng kanyang pamilya si Quiboloy.
“Kaibigan ko si Pastor Quiboloy. Mabait siya sa aming pamilya… Matagal ko na siya kilala. Parang ‘di naman siya ‘yung gagawa ng ganon. Kami ni Imee pareho namin siyang kilala. As well ‘yung mga Mindanaoan. Maayos naman siya… nakakahiya naman na ako pahuhuli ko siya. Diyos ko. You don’t do that to a friend,” aniya.
“‘Di ko na siya kailangan sa election kasi kaibigan ko siya. I don’t worry about him during elections. Napunta ko sa kanya pag birthday niya at saka may affair ang church, not during election,” dagdag niya.