November 12, 2024

saksipinas

Palaban, Walang Kinikilingan

Regular literacy, education survey, isusulong ni Gatchalian

Ni  Ernie Reyes

ISINUSULONG ni Senador Win Gatchalian ang mas regular na pagsasagawa ng Functional Literacy, Education and Mass Media Survey (FLEMMS) para sa mas maigting na pagsukat at pagtutok sa literacy rate ng bansa.

Ang FLEMMS ay isang household-based nationwide survey na isinasagawa kada limang taon. Ang FLEMMS 2019 ang ika-siyam sa mga serye ng survey na isinagawa simula noong 1989.

Sa isang pandinig sa panukalang budget ng National Economic and Development Authority (NEDA) at attached agencies  nito, tinanong ni Gatchalian ang Philippine Statistics Authority (PSA) kung posible ba ang mas regular na pagsasagawa ng FLEMMS.

“Hindi lamang para sa Second Congressional Commission on Education (EDCOM) ang pagsukat ng literacy rates sa bansa, mahalagang batayan din ito ng Literacy Coordinating Council (LCC) at ng mga local government units upang matukoy kung anong mga literacy programs ang dapat nilang ipatupad. Mahalaga ang survey na ito ngunit masyadong mahaba ang limang taong pagitan sa pagsasagawa nito,” ani Gatchalian, Chairperson ng Senate Committee on Basic Education.

Paliwanag ni National Statistician Dr. Dennis Mapa, humingi ang PSA ng pondo noong nakaraang taon para isagawa ang FLEMMS, lalo na’t nagdulot ng pinsala sa literacy ang pandemya ng COVID-19.

Ngunit nakatakda ang PSA na ituloy ang pagpapaptupad ng FLEMMS sa susunod na taon, bagay na saklaw na ng panukalang budget ng ahensya. Matatandaang noong 2019 huling isinagawa ang FLEMMS.

Ipinaliwanag din ni Dr. Mapa na sa susunod na pagpupulong ng PSA board, tatalakayin ang posibilidad ng mas maikling pagitan sa pagsasagawa ng FLEMMS. Ibinahagi ng opisyal ang halimbawa ng Family Income and Expenditure Survey (FIES) na dating isinasagawa kada tatlong taon.

Ngunit nagpasya ang PSA board na gawin ang naturang survey kada dalawang taon upang maging mas regular ang pagkakaroon ng opisyal na datos pagdating sa kahirapan. Ayon kay Dr. Mapa, maaaring isagawa ang FLEMMS kada tatlong taon. Maliban sa mas regular na pagsasagawa ng FLEMMS, iminungkahi rin ni Gatchalian na gawin ang survey hanggang sa mga siyudad. Ayon naman kay Dr. Mapa, maaari itong gawin ngunit kakailanganin ang dagdag na pondo. Tinatayang P60 milyon ang kinakailangan para sa pagpapatupad ng isang cycle ng FLEMMS.