Ni EDWIN MORENO
SA hangaring wakasan ang nakagisnang pagbibigay proteksyon sa mga kilalang personalidad sa labas ng pamahalaan, naglabas ng bagong polisiya ang hepe ng pambansang pulisya – bawal ang police escorts sa mga tinaguriang “rich and famous,” na mas kilala sa tawag na VIP.
Ayon kay Philippine National Police (PNP) chief Gen. Rommel Francisco Marbil, naglabas na rin siya ng direktiba sa mga police escorts na nakatutok sa mga VIP na bumalik sa mga unit kung saan sila nakadestino.
Pag-amin ni Marbil, siya mismo ang nakakita kung paanong akikaso ang ginagawa ng mga police escorts sa isang Chinese national na kasabay niyang nagpunta sa isang hindi tinukoy na hotel.
“Hindi po ako natutuwa kasi last time I went to a hotel, this Chinese guy may security, ako nga wala eh. Naka-t-shirt pa ng PSPG (Police Security and Protection Group). How can we do this? Ang mas masama pa doon taga-buhat lang ng bag ang mga pulis,” wika ni Marbil.
Dito niya aniya napagtanto na kailangan nang bawiin ang lahat ng police escorts na dapat sana ay nagbibigay proteksyon sa mas nakararami – at hindi lang sa mga negosyanteng nagbabayad ng malaki para makakuha ng pulis na nagsisilbing bodyguard, saan man sila pumunta.
Paliwanag ni Marbil, hindi trabaho ng pulis na magbigay ng VIP protection kanino man lalo pa’t malinaw naman aniya sa mandato ng batas na lumikha ng PNP na obligasyon ng pulis pagsilbihan at protektahan ang taumbayan – hindi ng iilan lamang.
Paglilinaw ng PNP chief, pwede pa rin naman aniyang makipag-ugnayan sa PSPG para sa seguridad kung totoong may banta sa buhay.
Gayunpaman, tiniyak ni Marbil na dadaan sa butas ng karayom ang mga nais kumuha ng proteksyon sa PNP, lalo pa’t kailangan muna ng masusing pagsisiyasat kung tunay at may basehan ang sumbong na banta sa kanilang buhay.
