Ni EDWIN MORENO
HABANG abala ang pamunuan ng Philippine National Police (PNP) na puskain ang ilegal na kalakalan ng droga, may ilan pa rin talagang matigas ang mukha.
Kabilang dito ang isang miyembro ng PNP-Special Action Force (PNP-SAF) na nabistong nalulong sa ipinagbabawal na gamot, batay sa resulta ng random drug test sa hanay ng mga tinaguriang commando.
Ayon kay SAF Director Police Brig. Gen. Mark Pespes, nasa 93 SAF commando ang isinalang sa surprise drug test bilang bahagi ng isinasagawang internal cleansing ng pambansang pulisya.
Sa naturang bilang, isa ang lumabas na positibo.
Para tiyakin ang integridad ng drug test, muling isinalang ang hindi pinangalanang commando sa panibagong pagsusuri. Ang resulta, positibo ulit sa confirmatory drug test – hudyat para sibakin agad sa serbisyo ang naturang pulis na may ranggong patrolman.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Holding and Accounting Unit ng SAF ang naturang SAF commando habang inihahanda ang paghahain ng kasong administratibo.
