Ni ESTONG REYES
MATAPOS makatanggap ng kabi-kabilang batikos sa paggamit ng pasilidad ng gobyerno para sa personal na dahilan, humingi ng paumanhin si Senador Robin Padilla – pero hindi sa kapwa senador na kumastigo sa kanyang maybahay.
Bago pa man ang public apology ni Padilla, dalawang dikit na binatikos ni Senador Nancy Binay ang “maling ginawa” ni Mariel Rodriguez-Padilla sa pagsasagawa ng IV drip session sa loob mismo ng tanggapan ng asawang senador.
Nakita ni Binay ang litrato sa Instagram post ni Mariel na tila tuwang-tuwa pang ibinabandila ang IV drip ma ipinagbabawal ng Department of Health.
“Kailanman po ay hindi ko naisip na ipagwalang-bahala ang mga umiiral na alituntunin ukol sa seguridad ng Senado, lalo’t higit ang hindi pagbibigay-galang sa ating institusyon,” ani Padilla sa kanyang liham kay Senate Sergeant-at-Arms Lt. Gen. Roberto Ancan (retired).
“Nais ko pong bigyan ng diin na wala pong intensyon ang aking maybahay na ipagwalang-bahala ang mga umiiral na patakaran ng Medical Bureau,” saad naman sa isang bahagi ng liham ni Padilla para kay Dr. Renato DG Sison na tumatayong direktor ng Senate Medical and Dental Bureau.
“Makakaasa po kayo na hindi na mauulit ang ganitong uri ng pangyayari,” garantiya ni Padilla kina Ancan at Sison.
Nitong Linggo, humingi rin ng paumanhin si Gng. Padilla sa publiko at sa Senado sa nangyaring pag-IV drip sa tanggapan ni Sen. Padilla. Nilinaw din niya na Vitamin C at hindi glutathione ang drip niya.
Kamakailan, pinuna ni Binay, chairman ng Senate committee on ethics ang inugali ni showbiz personality na asawa ni Padilla ang gluta grip session sa tanggapan mismo ng kanyang asawa.
Tinanggal na rin ang post ni Rodriguez na mabilis nagviral sa loob lamang ng ilang oras.
“I’m not sure if the Ethics Committee can extend its jurisdiction dito sa nangyaring insidente since hindi naman member ng Senado si Ms. Mariel. But we also need to closely look into it because it involves issues of conduct, integrity, and reputation of the Institution and matters that concern health and safety,” ayon kay Binay, ang chairperson ng Senate Ethics Committee.
“Nakaka-bother lang dahil yung IV procedure was done inside the Senate premises na walang abiso mula sa clinic,” giit pa ni Binay.
Nabasa ang caption ni Rodriguez, “Drip anywhere is our motto! Hehehe. I had an appointment with @dripinluxeph but I was going to be late so I had it done in my husband’s office hehe. I never miss a drip because it really helps in soooo many ways. Collagen production, whitening, energy, metabolism, immunity, and sooo much more!!! So convenient and really effective. Tagalong talaga.”
Paulit-ulit nanng naglabas ng babala ang DOH laban sa peligrong posibleng dulot ng paggamit ng IV glutathione.
“‘Yung gluta drip idineklara na mismo ng DOH na unsafe, banned ng FDA, and it was administered outside the clinic without the proper medical advice from a licensed health professional,” ayon kay Binay.
“As public figures, sana aware din tayo sa responsibilidad natin sa publiko. We might be promoting something na ipinagbabawal at iligal, at akala ng mga tao eh okey lang. Isipin din natin may kasamang kapanagutan ang pagiging artista, lalo na kung senador ang asawa mo,” dagdag pa ng senadora.
Samantala, iginiit ni Binay nitong Sabado na walang kinalaman ang kulay ng balat sa kalusugan o kagandahan, sa gitna ng pagsita sa kay Mariel sa nasabing larawan.
