TUMULAK ng agarang aksyon si Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla sa mga ahensya ng pamahalaan sa pagprotekta ng karapatan ng mga Muslim at Indigenous People (IPs), kasama ang mabilis na pagpasa ng panukalang batas na tutulong sa kanila.
Namuno si Padilla nitong Huwebes ng pagdinig sa Senado kung saan itinalakay ang 10 panukalang batas na magtatayo ng resource centers para sa IPs, ng indigenous community conserved territories and areas, traditional property rights ng IPs at ang deklarasyon ng Sheikh Karim’ul Makdhum Day.
“Ang ating mga katutubo, kapag hindi natin naibigay sa kanila ang ‘kalayaan’ na sinasabi natin at pinagmamalaki at katatapos pa lang natin ipagdiwang noong June 12, balewala ang kalayaan na yan. Parang ang kalayaang yan hindi totoo,” ani Padilla sa pagdinig ng Senate Committee on Cultural Communities and Muslim Affairs.
“Yung pagbibigay natin ng anong karapat dapat sa kanila wala silang hinihingi na sobra. Hinihingi nila ang kanila lang. Pag yan ibinigay natin, totoo na ang kalayaan na sinasabi natin kasi napakapangit na tayong mga mestizo, malaya pero ang tunay na may-ari ng lupang ito di malaya. Anong klase yan? Tayo pumalit sa mga colonizer, which is I think very wrong. Dapat tayo nagbibigay sa kanila ng kung ano ang para sa kanila. Wala silang hinihinging sobra,” dagdag nito.
Nanawagan si Padilla ng dagdag na kapangyarihan para sa National Commission on Indigenous Peoples (NCIP), na aniya’y dapat mamuno sa pagsulong sa karapatan ng mga IPs.
Sa pagdinig, ipinunto ni Padilla na may 110 IP groups na may 14 hanggang 17 milyong Pilipino – kung saan 61 porsyento ay nasa Mindanao at 33 porsyento ay nasa Hilagang Luzon.
Aniya, nananatiling pinakamahirap ang IPs sa Pilipinas at sa buong mundo. Ayon sa World Bank, aniya, ang mga IPs ay kasama sa 6 porsyento ng populasyon sa mundo pero population pero kasama sa 20 porsyento sa pinakamahirap sa mundo.
Nanawagan din si Padilla sa mga ahensya ng gobyerno para aksyunan ang mga problema ng IPs, kasama ang pekeng weaving products na diumano’y galing sa China.
Panawagan naman niya sa Philippine Statistics Authority (PSA) ang pagpapadali ng pagrehistro ng IPs para magkaroon sila ng serbisyo mula sa pamahalaan. Ayon kay Elma Jabonillo, Registration Officer III ng PSA Civil Register Management Division, nais nilang magrehistro ang 2 milyong birth certificates ng marginalized sectors kasama ang IPs and Muslim Filipinos, at sa ngayon ay nakarehistro na sila ng 1.34 milyon.